Polo, bitbit ang aral sa Dakar YOG

Angel Polo Li Jianfang Tchelzy Maayo Hillarion Palles III Pau Gasol Dakar YOG

DAKAR — Bagama’t nabigong makasungkit ng medalya sa women’s Taijiquan combined ng wushu, baon naman ni Angel Polo ang mahalagang karanasan mula sa 4th Youth Olympic Games (YOG) para lalo pang mapahusay ang kanyang kakayahan.

“Matututo ako sa karanasang ito upang lalo pang gumaling,” pahayag ni Polo bago umalis sa Youth Olympic Village patungong Dakar Airport nitong Miyerkules ng madaling-araw.

Sa Disyembre 12 ay magdiriwang pa lamang ng ika-16 kaarawan si Polo, kaya may isa pa siyang taon sa junior division upang ipagpatuloy ang kanyang paghahanda.

“May isa pa akong taon bilang junior at gagawin ko ang lahat para mapakinabangan ang mga natutuhan ko rito,” dagdag ng Grade 10 student ng Pasay North City High School.

Nagtapos na ikaanim si Polo sa YOG matapos madale ng .20 deduction dahil sa pagkakamali sa Taijishan phase ng women’s final nitong Martes.

Gayunman, napatunayan na niyang kaya niyang makipagsabayan sa pinakamahusay na mga batang wushu athlete sa mundo matapos magwagi ng bronze medal sa World Championships sa Tianjin, China, noong Marso. Nauna sa kanya roon ang Singaporean na si Ng Zhe Nin at Chinese Taipei bet Chu Yu En, na siya ring nagkampeon at nag-silver sa YOG.

Pinuri naman ng kanyang Chinese coach na si Li Jianfang ang ipinakitang pagsisikap ni Polo sa kompetisyon.

Bagama’t hindi nakamit ang inaasahang resulta, sinabi ni Li na ginawa ng kanyang alaga ang lahat ng makakaya at magsisilbing aral ang karanasan sa Dakar upang lalo pa silang umunlad.

Nagpasalamat din si Polo sa lahat ng sumuporta sa kanya, panalo man o talo.

Sina Polo at Li ay lumipad pauwi ng Pilipinas nitong Miyerkules ng umaga.

Samantala, nagpapatuloy ang kampanya ng Team Philippines sa swimming sa pangunguna nina Jamesray Mishael Ajido, na may dalawa pang event, at Riannah Chantelle Coleman na may natitira pang isang kompetisyon sa Dakar Olympic pool.

Todo ensayo naman ang mga gymnast na sina Tchelzy Maayo at Hillarion Palles III sa ilalim nina coaches Reyland Capellan at Japanese mentor Kazutaka Hakamada.

Ayon kina Chef de Mission Rocky Samson at POC’s Shawn Hendric Telebrico, nagsimula nang makibagay sa kapaligiran ng Youth Olympic Village ang dalawang gymnast matapos ang 30-oras na biyahe mula Pilipinas.

Naging espesyal din ang kanilang pamamasyal sa Olympic Village nang makadaupang-palad nila ang Spanish basketball legend at International Olympic Committee Athletes’ Commission member na si Pau Gasol.

Nasa Youth Olympic Village na rin si Naomi Marjorie Caesar, na sasabak sa women’s 800 meters ng athletics, ngunit hindi pa nakapagsisimula ng ensayo sa Dakar Athletics Stadium.

Inaasahan namang darating ngayong Huwebes mula Maynila ang iba pang miyembro ng delegasyon na sina Pi Durden Wangkay (men’s 200 meters), Maritanya Krog (women’s cycling) at Jade Justine Justiniane (windsurfing).

Magsisimula sa Sabado ang gymnastics competition habang nakatakda namang umarangkada sa Linggo ang athletics, cycling at windsurfing. (POC Media Pool/HNT)