RATED R
ni Rommel Gonzales
NATULALA at nawindang kami, in a good way, sa pelikulang Wicker!
Kuwento ito ng isang babaeng tindera ng isda na inaaglahi at inaalipusta ng kanyang mga kababaryo dahil sa hindi niya kagandahang itsura at malansang amoy, kaya walang lalaking nagkakagusto sa kanya.
Kaya naman sa tulong ng isang basketmaker ay nakalikha ng isang guwapo at matipunong lalaking naging asawa niya.
Pero ang catch, yari sa wicker o rattan na materyal na ginagamit sa paggawa ng basket ang kanyang mister.
Gayunman, ang naturang lalaki ay responsableng asawa, sa mga gawain man sa bahay pero higit sa lahat, sa pagpapaligaya sa kanyang misis sa kama.
Palabas sa lahat ng SM Cinemas at mula sa CreaZion Studios (na isa sa nangungunang production at distribution companies sa Pilipinas)
bigatin ang cast members ng pelikula sa pangunguna ni Academy Award winner Olivia Colman bilang babaeng mangingisda at Golden Globe Award winner Alexander Skarsgård bilang lalaking yari sa wicker o rattan.
Nasa pelikula rin sina Peter Dinklage at Elizabeth Debicki.
Sa panulat at direksiyon nina Alex Huston Fischer at Eleanor Wilson, ang Wickeray pinagsama-samang komedya romance, fantasy, at social satire.
Nakamamangha ang pagkakalikha ng Wētā Workshop sa bidang lalaking yari sa wicker o rattan na hindi ginamitan ng AI o CGI pero pulido at kapani-paniwala. Maging ang iba pang karakter sa pelikula ay kagulat-gulat din ang anyo.
Ngayon lang yata kami nakapanood ng ganitong klase ng pelikula na tunay na kakaiba at nakapupukaw sa aming interes bilang manonood.
Nakabibilib talaga ang mata ng CreaZion Studios sa pagpili ng mga pelikulang ihahandog nila sa Filipino moviegoers, sulit palagi ang salaping ibabayad sa takilya.
