SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
NAKABIBILIB ang suporta ni Senador Bam Aquino kay Bea Binene. Nagpa-block screening ang senador ng pelikulang Pee Mak na pinagbibidahan nina Bea at Wilbert Ross noong Biyernes sa isang mall sa Mandaluyong City.
Dumalo si Sen. Bam sa screening kasama si Bea, na gumaganap bilang pangunahing karakter na si Pee Nang, isang misis na namatay sa panganganak habang ang kanyang asawang sundalo na si Mak (Wilbert) ay nasa digmaan.
Bago ang screening, sinorpresa nina Sen. Bam at ng mga manonood si Bea sa pamamagitan ng pag-awit ng birthday song bilang maagang pagbati sa kaarawan ng aktres ngayong araw, Nobyembre 4.
“Gusto ko munang pasalamatan si Sen. Bam and the Office of Senator Bam Aquino for making this block screening possible. Alam n’yo po, palagi kong kinukulit si Sen. Bam. Noong premiere night pa lang, ini-invite ko na siya. Kaya lang, ang tagal matapos ng impeachment,” wika ni Bea.
“It’s an adaptation, pero I’m sure it’s an adaptation that will still make you feel your pagka-Filipino. It’s something that we, as Filipinos, can be proud of,” dagdag pa niya.
Matagal nang tagasuporta ni Sen. Bam ang aktres at kasama pa siya nang maghain ito ng certificate of candidacy para sa 2025 senatorial race sa Commission on Elections (Comelec).
“Alam n’yo naman, guys, si Bea is our number one volunteer. Actually, mula pa noong first term ko, hanggang sa panahong wala ako sa politics, at hanggang sa 2025 campaign, marami rin sa inyo ang tumulong, Bea has always been there for us. Until today, si Miss Bea Binene po ay tumutulong pa rin sa ating opisina. Sa lahat ng volunteer artists natin, I think si Bea na ang may pinakamaraming na-volunteer sa ating opisina,” sabi ni Sen. Bam.
“We’re here to support her and, of course, to support Philippine cinema. Alam n’yo po, ang ‘Pee Mak’ ay box-office hit na, pero nais nating maging mas malaking hit pa ito. ‘Di ba? Ibinubulong sa akin ni Bea na may mga goal sila for the film, and we’re hoping na maabot natin iyon,” dagdag pa niya, kasabay ng pagsasabi na sa tulong ng screening at mga pagkilos sa social media ay lalo pang magtatagumpay ang pelikula.
Bilang bahagi ng patuloy niyang pagsisikap na suportahan ang lokal na industriya ng pelikula, nagdaos din kamakailan si Sen. Bam ng block screening para sa pelikulang 2 Valid IDs, na pinagbibidahan ng komedyanteng si Pokwang, na suportado rin si Sen. Bam at kanyang mga polisiya.
Sa pelikula, gumaganap si Pokwang bilang si Sylvia, isang magsasaka na kailangang kumuha ng dalawang valid ID upang ma-claim ang ipinadalang pera na gagamitin sa pagpapagamot sa kanyang asawang naka-confine sa ospital. Tumayong director at producer ng pelikula sina Ma-an L. Asuncion-Dagñalan at Geo LomuntadZ
Bilang matatag na tagapagtaguyod ng talento ng mga Filipino, isinusulong ni Sen. Bam, chairperson ng Senate Committee on Trade, Commerce, and Entrepreneurship, ang pagtatayo ng Philippine Agency for the Creative Economy (PACE) upang palakasin ang suporta ng pamahalaan sa mga artistang Filipino at creative workers, at tulungan silang magkaroon ng mas maraming oportunidad sa mga pandaigdigang merkado.
Kamakailan, inihain niya ang Senate Bill No. 2517, o ang Philippine Agency for the Creative Economy (PACE) Act, na binuo niya katuwang ang “Kings of P-Pop” na SB19 at ang 1Z Entertainment, ang talent management company ng grupo.
Layunin ng PACE Act na tulungan ang mga Filipinong creative na makapasok sa pandaigdigang merkado sa pamamagitan ng pagtugon sa mga hadlang sa kanilang paglalakbay sa ibang bansa, paglahok sa mga aktibidad, at pagkuha ng mga propesyonal na oportunidad. Kabilang dito ang pagbibigay ng suporta para sa mga visa, biyahe, logistics, at paglahok sa mga international festival, tour, showcase, market, at iba pang creative engagements.
Nais din ng panukala na tulungan ang mga Filipinong creative na makapasok sa global markets sa pamamagitan ng international promotion, business matching, partnerships, distribution, at pagpapalawak ng merkado para sa mga produkto at serbisyong likha ng mga Filipino. Isinusulong din nito ang pagpapalakas ng suporta ng pamahalaan sa pamamagitan ng pagtatatag ng PACE at pagpapalakas sa Creative Industries Development Fund.
Kinilala rin ni Sen. Bam ang mga tagumpay ng mga artistang Filipino sa pamamagitan ng paghahain ng mga resolusyon na nagbibigay-pugay sa kanilang ambag sa creative industries ng bansa at tagumpay sa pandaigdigang entablado.
Kamakailan ay inihain niya ang Senate Resolution No. 545 para kilalanin ang SB19 bilang kauna-unahang homegrown Filipino act na nagtanghal sa Lollapalooza sa Chicago, at ang Senate Resolution No. 370 upang parangalan ang Nation’s Girl Group na BINI bilang kauna-unahang all-Filipino group na nagtanghal sa Coachella Valley Music and Arts Festival sa Indio, California.
Isinumite rin niya ang Senate Resolution No. 591 upang batiin at kilalanin ang Femme MNL, HQ, The Crew, Folk Jumpers, at Sayawatha Jr. sa kanilang natatanging pagtatanghal sa 2026 World Hip Hop Dance Championship na ginanap mula Hulyo 25 hanggang Agosto 1 sa Phoenix, Arizona.
