World no. 1 Picklum, hanga sa galing ng batang Pinay surfer

Molly Picklum Mara Lopez Cloud 9 Siargao WSL Surfing

SIARGAO – Bagama’t hindi nakalusot sa unang round, nakamit naman ng 15-anyos na Pinay surfer na si Mara Lopez ang isang malaking pagkilala mula sa walang iba kundi ang world No. 1 na si Molly Picklum.

Humanga ang Australian surfing star sa ipinakitang talento ng batang tubong La Union nang magharap sila sa Round 1, Heat 5 ng World Surf League (WSL) Championship Tour Philippines Pro sa sikat na Cloud 9 reef break nitong Linggo ng umaga.

Nagtala lamang si Lopez ng 4.50 puntos laban sa 11.50 ni Picklum, na nagtala ng 5.33 at 6.17 sa kanyang dalawang pinakamagagandang alon.

Nakakuha naman ang batang Pinay wildcard ng 2.50 puntos sa ikatlong wave at karagdagang 2.00 puntos sa ikaapat.

Gayunman, higit pa sa panalo ang naging bunga ng kanilang paghaharap matapos purihin ni Picklum ang kakayahan ni Lopez at sabihing maaari itong maging inspirasyon ng susunod na henerasyon ng mga surfer sa bansa.

Ikinuwento rin ng world No. 1 na ikinatuwa niyang malaman na posibleng isa siya sa mga naging inspirasyon ni Lopez upang pasukin ang surfing.

“Maybe I’m one of her inspirations. And that stuff to me is just so special,” pahayag ni Picklum.

Hindi rin nakaligtas sa papuri ng Australian star ang husay ni Lopez sa longboard surfing, na aniya’y isa ring mahusay na disiplina ng batang Pinay.

Kabilang din sa mga sumusuporta ang PAGCOR, Department of Tourism, DPWH, TIEZA at NEA/SIARELCO.

Ayon pa kay Picklum, anuman ang maging resulta ng karera ni Lopez, tiyak na makapagbibigay ito ng inspirasyon sa maraming kabataang nangangarap na magtagumpay sa surfing.

Pinuri rin niya ang matatag na samahan ng surfing community sa Siargao, na bagama’t maliit na isla ay may malalim at matibay na kultura sa naturang sport.

Ang kompetisyon ay inihandog ng Philippine Sports Commission (PSC), katuwang ang Surigao del Norte Gov. Robert Lyndon Barbers, General Luna Mayor Johnson Sajulga at Vice Mayor Romina Sajulga. (PSC/HNT)