DAKAR – Hindi sapat ang bilis at husay ni Jamesray Mishael Ajido para makasikwat ng medalya matapos pumuwesto sa ikalimang puwesto sa men’s 100-meter butterfly swimming event ng 4th Youth Olympic Games nitong Linggo.
Naitala ni Ajido ang 55.16 segundo sa finals, mas mabilis kumpara sa kanyang performance sa morning heats kung saan nagtala siya ng ikapitong pinakamabilis na oras.
Gayunman, hindi ito naging sapat upang makapasok sa podium ang Asian junior swimming medalist, na nakasabay sa mga katunggaling mas matatangkad sa kanya.
Nagkampeon si Ali Sain ng Egypt sa oras na 53.96 segundo, habang pumangalawa si Aleksej Kalan ng Serbia at nag-uwi ng bronze medal si Marias Kristof ng Slovakia.
Si Tirthank Pegun ng India ang pumuwesto sa ikaapat na puwesto sa 54.98 segundo.
Tanging Southeast Asian swimmer si Ajido sa finals. May dalawa pa siyang laban sa Martes sa 50-meter freestyle at butterfly events.
Samantala, sasabak naman si Riannah Chantelle Coleman sa women’s 200-meter breaststroke sa ikalawang heat na nakatakda sa alas-11:02 ng umaga (oras sa Senegal) ngayong Lunes.
Ang siyam na atletang Team Philippines sa YOG ay suportado ng Philippine Sports Commission. (POC Media Pool/HNT)
