Ajido, Polo handa na sa YOG debut

Jamesray Mishael Ajido

DAKAR, Senegal — Sasabak na sa kani-kanilang unang laban sina swimmer Jamesray Mishael Ajido at wushu bet Angel Polo sa pagsisimula ng kompetisyon sa ikaapat na Youth Olympic Games (YOG) ngayong Linggo.

Unang kakampay sa aksiyon si Ajido sa men’s 100-meter butterfly sa ganap na 10:54 ng umaga (6:54 ng gabi sa Manila) sa Complexe Tour de l’Ceuf swimming pool.

Kabilang siya sa ikatlong heat sa apat na grupo at makikipag-agawan sa 30 iba pang manlalangoy para sa walong puwesto sa finals na nakatakda ring ganapin sa Linggo.

Bitbit ng 17-anyos na si Ajido, Grade 11 student ng Homeschool Global, ang karanasan bilang silver medalist sa 2024 Southeast Asian Age-Group Championships at record holder sa Palarong Pambansa.

“Gagawin ko ang lahat ng aking makakaya dahil ang YOG ay isang minsanang pagkakataon sa buhay,” pahayag ni Ajido, na ilang buwang nagpakahirap sa ensayo para sa prestihiyosong torneo.

Samantala, susubok namang makapasok sa finals si Polo sa women’s Taijishian preliminary round na magsisimula alas-10:12 ng umaga (6:12 ng gabi sa Manila) sa Diamniadio Expo Centre.

Makakaharap ng 15-anyos na pambato ang 10 karibal sa paghahangad na makasama sa walong finalist.

May baon siyang bronze medal na nakuha sa 10th World Junior Wushu Championships sa Tianjin, China, noong Marso.

Ayon kay Polo, Grade 10 student ng Pasay North City High School, labis ang kanyang kasiyahan na makasali sa pinakamalaking entablado para sa mga batang atleta sa mundo.

Dalawang beses kada araw ang kanyang ensayo sa ilalim ng Chinese coach na si Li Jianfang bilang paghahanda sa YOG.

Hindi pa rito nagtatapos ang kampanya ng Pinay wushu bet dahil muling sasabak si Polo sa women’s Taijiquan preliminaries sa Lunes.

Sa araw ding iyon, papasok naman sa aksiyon si Riannah Chantelle Coleman sa women’s 200-meter breaststroke heats. Nakatakda ring idaos sa Lunes ang finals ng wushu.

Umaasa naman si Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham “Bambol” Tolentino na magbubunga ang paghahanda ng mga batang atleta.

Kasama niyang nagbabantay sa kampanya ng Team Philippines sina POC secretary-general Atty. Wharton Chan at chef de mission Rocky Samson.

Pormal na binuksan ang YOG noong Sabado ng gabi sa 55,000-seat Abdoulaye Wade Stadium sa Diamniadio sa pangunguna nina International Olympic Committee president Kirsty Coventry at Senegal President Bassirou Diomaye Faye.

Tampok sa makulay na seremonya ang daan-daang mananayaw na nagpakita ng mayamang kultura ng Senegal at Africa sa temang “Africa welcomes, Dakar celebrates.” (POC Media Pool/HNT)