SIARGAO – Isang malaking sorpresa ang naganap sa Cloud 9 matapos patalsikin ni World No. 14 Yolanda Hopkins ang third-ranked na si Gabriela Bryan upang selyuhan ang tiket sa quarterfinals ng kauna-unahang World Surf League (WSL) Championship Tour Philippines Pro nitong Sabado.
Hindi natinag si Hopkins sa hamon ni Bryan at nagtala ng pinagsamang 10.10 puntos mula sa kanyang dalawang pinakamagagandang alon na may markang 5.27 at 4.83.
Dahil sa panalo, makakasagupa niya sa quarterfinals si World No. 6 Caitlin Simmers na nagpakita rin ng matinding dominasyon kontra kapwa Amerikanang si World No. 11 Caroline Marks.
Nagrehistro si Simmers ng 15.17 puntos mula sa 9.00 at 6.17 upang madaling pataubin si Marks na nagtala lamang ng 9.00 puntos (5.50 at 3.50).
Kapwa napaaga ang kampanya nina Bryan at Marks na nagtapos sa ikasiyam na puwesto at nakakuha ng tig-2,000 championship points. Nagtala si Bryan ng 7.00 puntos habang 9.00 naman ang kay Marks.
Naging hamon sa mga kalahok ang apat hanggang anim na talampakang alon sa sikat na Cloud 9 reef break, bagama’t nakatulong ang mahinahong hangin upang mapanatili ang magandang kondisyon ng karagatan.
Samantala, hindi maitago ni Simmers ang paghanga sa Cloud 9 na itinuturing niyang isa sa pinakamagandang surfing destination sa mundo.
Aniya, kakaiba ang hamon ng alon sa Siargao dahil nangangailangan ito ng tamang tiyempo, diskarte at pagiging malikhain upang maisagawa ang mahihirap na maniobra.
Umaasa rin ang Amerikanang surfer na masusulit ng mga babaeng kalahok ang pagkakataong magsagawa ng aerial moves sa dulong bahagi ng alon.
Ang torneo ay inihahandog ng Philippine Sports Commission (PSC), katuwang ang pamahalaang panlalawigan ng Surigao del Norte at lokal na pamahalaan ng General Luna.
Kabilang din sa mga sumusuporta sa prestihiyosong kompetisyon ang PAGCOR, Department of Tourism, DPWH, TIEZA at NEA/SIARELCO. (PSC/HNT)
