SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
AMINADO si McCoy de Leon na hindi pa rin nagsi-sink-in ang pagkapanalo niya bilang Best Actor sa katatapos na Filipino Academy of Movie Arts and Sciences (FAMAS) para sa kanyang pagganap bilang Father Rhoel Gallardo sa biopic na In Thy Name.
“Hindi pa po talaga (sink-in), first time kong nanalo, sobrang sarap ng feeling,” umpisang wika ni McCoy nang makorner namin ito pagkatapos ng Fight For My Way mediacon ng Viva One na ginanap noong Miyerkoles ng hapon sa Tektite Towers Auditorium.
“Nasabi ko nga po sa sarili ko kagabi, gusto ko pa. Gusto ko magkaroon pa ng ganoon (award). Iba pala talaga ang feeling,” sambit ni McCoy.
First time nanalong best actor ni McCoy at nasabi nitong wala siyang hint na siya ang magwawagi. “Inaasar-asar lang ako ng mga kasama ko na, ‘may pag-asa ka’ ganyan.
“Mahirap po kasing maniwala. Pero knowing the film na grabe naman talaga ang ginawa namin, confident po ako na may laban naman po talaga,” tiwalang sabi ni McCoy.
Nang matanong kung ano ang pakiramdam na tinalo niya si Jericho Rosales para sa pelikulang Quezon at isa sa matindi niyang kalaban sa Best Actor category, sinabi ni McCoy na, “Sobrang nirerespeto ko si kuya Echo, sobrang galing niya.
“In fact lahat naman po ng kalaban ko sa kategoryang iyon, sobrang gagaling din tulad din sa ‘Manila’s Finest’ si Piolo (Pascual), sobrang magagaling lahat.
“Ang sa akin naman po, hindi talaga competition eh, ang recognition para sa lahat ng artista. Dala ko lang talaga ang pangalan ng ‘In Thy Name.’ Sobrang ang sarap sa pakiramdam na iyong film na iyon kumbaga may ambag sa industriya,” sambit pa ni McCoy.
Nasabi rin ni McCoy na sobra siyang natutuwa dahil napansin ang pinaghirapan nila. “I’m excited bagamat hindi siya gaanong inilabas sa buong Pilipinas.”
Inamin pa ni McCoy na halos hindi siya makapaniwala nang tawagin ang pangalan niya bilang best actor na bukod kina Jericho at Piolo kalaban din niya sa kategoryang ito sina Carlo Aquino (Bar Boys: After School) at Earl Jonathan Amba (ImPerfect).
“Sobrang overwhelming ang pakiramdan. Kumbaga, ilang years ko na sa acting industry, sa industriyang ito, nagkaroon ako ng fulfillment na, at least may naiambag naman ako sa industriyang ito.
“Naibalik ko iyong trabaho ko na mangada, naipakita ko kahit paano iyong kaunting talento ko.”
Naikuwento pa ni McCoy na pagkatapos na pagkatapos ng FAMAS, dumiretso siya sa pamilya niya sa Tondo, Manila para ipagdiwang ang pagkapanalo niya.
“After niyong awards night, dumiretso ako sa Tondo, kina mommy. Sa kanya ko unang ibinalita. Actually, nag-video-call pa ako sa kanya habang nasa stage. Sabi niya punta raw ako sa kanya.
“Kaya naka-suit ako, hawak ang trophy, pinuntahan ko sila, eh sa may palengke ang bahay namin. Nakatingin iyong mga nakakakita sa akin kasi naglalakad ako na ganoon ang hitsura ko. Hindi ko alam magiging reaksiyon kung ako nakakita ng ganoon. Pero proud ako bilang taga-Tondo. Kaya pinuntahan ko ang pamilya ko. At masaya sila sa recognition na natanggap ko,” masayang pagbabahagi pa ni McCoy.
Ibinahagi rin ni McCoy kung paanong hinihimok siya ng kanyang magulang na manatiling nagpapasalamat at mapagkumbaba habang nagbabalik-tanaw sa kanyang mga unang araw sa pag-arte.
“Sabi ni Daddy, ‘Napapanood ko lang ito sa mga artista dati.’ Sabi naman ni mommy, ‘Maging thankful ka lagi, huwag makalimot. Dati sa theater pinipilit lang nila ako, kahit acting ko sobrang cringe…Pero sabi ni mommy, ‘Layo na anak,” sabi pa ni McCoy.
Makakasama ni McCoy sa Fight for my Way sina Ashtine Olviga, David Licauco, at Aubrey Caraan na idinirehe ni Crisanto B. Aquino at mapapanood na simulaNovember 20, 2026 on Viva One.
Ang Fight for my Way ang Pinoy adaptation ng isang pinakamamahal na K-drama na napanood noong 2017 na tungkol sa magkakaibigang pursigidong lumaban para sa pag-ibig, pagkakaibigan, at pangarap.
Ayon kay direk Crisanto, nilagyan niya ito ng bago at sariling Pinoy flavor.
Ang Fight for My Way ay tungkol sa apat na indibidwal na sa kabila ng iba’t ibang problema ay hindi bibitawan ang kanilang mga pangarap. Naging relatable ang orihinal na serye sa maraming manonood dahil sa makatotohanang paglalarawan nito sa mga hamon ng pagkakaibigan at pagsisimulang muli.
Sa Pinoy adaptation, sina David at Ashtine ang bibida sa mga karakter na unang ginampanan ng Korean superstars na sina Kim Ji-won at Park Seo-joon, na ngayon ay makikilala na bilang sina Aira at Hanz. Sina Aira at Hanz ay mahigit dalawang dekada nang magkaibigan, kaya’t naging sandalan na nila ang isa’t isa sa bawat tagumpay at kabiguan sa buhay.
Si Aira ay isang palaban at prangkang dalaga na nangangarap maging TV announcer, ngunit dahil sa mga hamon ng buhay ay napunta sa pagtatrabaho sa information desk ng isang department store. Samantala, si Hanz ay isang dating Taekwondo prodigy na gustong maging professional fighter, ngunit dahil sa mga problemang pinansiyal, magbabago ang takbo ng kanyang buhay. Siya ngayon ay nagtatrabaho sa pest control.
Kukompleto sa kanilang barkada sina McCoy bilang Manny at Aubrey bilang Sally, na makakasama nina Aira at Hanz bilang “Crazy Fantastic Four.” Si Manny ay isang praktikal at career-minded na lalaki na nagtatrabaho sa isang home shopping network. Siya rin ang nagsisilbing boses ng katwiran ng grupo. Si Sally naman ang mabait at maunawain nilang kaibigan, na siya ring longtime girlfriend ni Manny.
Bukod sa Crazy Fantastic Four, tampok din sa serye ang mahusay na supporting cast. Gagampanan ni Rob Gomez si Marvin, isang doktor na magiging nobyo ni Aira ngunit may itinatagong panlilinlang, habang si Icee Ejercito si Julia, ang manipulative ex-girlfriend ni Hanz na isa ring kilalang TV anchor. Si Rafa Siguion- Reyna naman si Coach Leon, ang kakaiba pero maaasahang coach ni Hanz na nagsisilbi ring father figure nito. Si Albie Casiño ang gaganap na Franco, isang mayamang MMA fighter na magiging karibal ni Hanz.
Samantala, si Abby Bautista si Marie, isang intern na magkakagusto kay Manny at magiging banta sa relasyon nito kay Sally, habang si Maui Taylor si Angie, ang misteryosang landlady ng apat na mahigpit na magmamasid sa kanilang buhay. Kasama rin sa magagaling na cast sina Taneo, Marlo Mortel, Billy Villeta, Maru Delgado, Lester Llansang, Nikka Ruiz, at marami pang iba.
Mapapanood ang unang episode ng Fight for My Way sa Viva One sa November 20, na susundan ng bagong episode tuwing Biyernes.
