Ajido, flag-bearer ng Pilipinas sa Dakar Youth Olympic Games

Jamesray Mishael Ajido

DAKAR, SENEGAL — Ang batang swimming standout na si Jamesray Mishael Ajido ang magsisilbing flag-bearer ng Team Philippines sa parada ng mga atleta sa pagbubukas ng ikaapat na Youth Olympic Games (YOG) sa Oktubre 31 sa Dakar, Senegal.

Ang 16-anyos na si Ajido ay kabilang sa siyam na atletang Pinoy na sasabak sa anim na sports sa prestihiyosong palaro para sa mga atletang edad 17 pababa.

Ayon kay Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham “Bambol” Tolentino, hindi pahuhuli sa hirap ng Summer Olympics ang kompetisyon sa YOG.

“Matindi ang YOG, kasinghirap ito ng Summer Olympics,” pahayag ni Tolentino na tutungo rin sa Dakar bago ang opening ceremony sa Abdoulaye Wade Stadium sa Diamniadio.

Sina Ajido at Riannah Chantelle Coleman ang pambato ng bansa sa swimming na magsisimula sa Nobyembre 1. Kasabay nito, sisimulan din ni Angel Polo ang kampanya sa women’s Taijiquan combined ng wushu.

Sasabak naman sina Tchelzy Maayo at Hillarion Palles III sa artistic gymnastics sa Nobyembre 7, habang makikipagkarera si Maritanya Krog sa women’s road race at individual time trial sa pagbibisikleta simula Nobyembre 8.

Aasa rin ang Pilipinas kina Pi Durden Wangkay sa men’s 200 meters at Naomi Marjorie Caesar sa women’s 800 meters sa athletics, gayundin kay Jade Justine Justiniane sa windsurfing sa ilalim ng sailing.

Ang Dakar YOG ang kauna-unahang Olympic competition na idaraos sa kontinente ng Africa, na lalahukan ng halos 3,000 atleta mula sa 203 bansa sa loob ng 14 na araw.

Dalawang medalya na ang naiuuwi ng Pilipinas sa kasaysayan ng YOG. Ginto ang nasungkit ni Luis Gabriel Moreno sa mixed international team event ng archery kasama si Li Jiaman ng China sa Nanjing, habang pilak naman ang naiuwi ni Christian Tio sa boys’ twin-tip racing ng kiteboarding. (POC/HNT)