Reyes, bronze sa 1,500m sa Asian Para Games

King James Reyes Athletics Asian Para Games

NAGOYA — Naghatid ng karangalan si King James Reyes matapos masungkit ang bronze medal sa men’s 1,500-meter T46 upang makamit ng Pilipinas ang unang podium finish sa athletics sa ikalimang edisyon ng Asian Para Games nitong Biyernes sa Mizuho Park Athletic Stadium dito.

Nagtala ang 24-anyos na tubong Loreto, Agusan del Sur ng personal best na apat na minuto at 13.81 segundo para makaiwas ang Team Philippines sa pagkabigo sa paghahangad ng medalya sa athletics.

Nawalan ng isang braso si Reyes matapos mahulog sa puno ng macopa noong limang taong gulang pa lamang siya.

Nasungkit ni Wahumpurage Puwakpitikande ng Sri Lanka ang gintong medalya sa oras na 4:03.25, habang pilak naman ang naiuwi ni Parmod ng India sa 4:09.65.

Masayang ibinahagi ni Reyes, graduating Sports Science student sa Adamson University, na personal best ang kanyang naitala.

“Personal best ko po. Alam ko na po sa sarili ko na kayang-kaya ko pong mag-podium. Pinaghandaan po kasi namin, kasama ’yung mga sakripisyo namin,” ani Reyes.

Dumating ang tagumpay ni Reyes isang araw matapos ang masakit na pangyayari kay Cyril Cloyd Ongcoy, na nawalan ng pagkakataong makakuha ng bronze sa men’s 1,500-meter T12/T13.

Ibinalik ng jury sa kompetisyon si Fakhriddin Khamraev ng Uzbekistan matapos unang madiskuwalipika. Dahil dito, kinilala itong gold medalist at bumagsak sa ikaapat na puwesto si Ongcoy.

Bago ang huling araw ng kompetisyon, nasa ika-17 puwesto ang delegasyon ng Pilipinas, na suportado ng Philippine Sports Commission, tangan ang dalawang ginto, dalawang pilak at dalawang bronze medal.

Hindi rin pinalad sa kani-kanilang medal bid sina Evaristo Carbonel at Edwin Enguito Jr.

Nagtala si Carbonel ng personal best na 27.18 metro sa men’s discus throw F11 ngunit nagtapos lamang sa ikalimang puwesto sa limang kalahok.

Samantala, pumang-apat si Enguito sa men’s high jump T63 matapos makalundag ng 1.63 metro.

Sa wheelchair fencing sa Nagoya City Inae Sports Center, umabot sa knockout rounds sina Wilfredo Bugayong II at Violeta Sapalit ngunit kapwa nabigo sa kanilang paghahangad ng medalya sa saber event.

Tinalo muna ni Bugayong ang si Lee Sheung Ho ng Hong Kong, 15-5, upang makapasok sa round of 16 ng men’s Category A. Gayunman, natalo siya kay Cheng Yang ng China, 6-15.

Ganoon din ang sinapit ni Sapalit na napatigil sa round of 16 matapos yumukod kay Kim Yeji ng South Korea, 6-15. (PSC/HNT)