Chua, kampeon sa unang PH Open

Johann Badger Chua Philippines Open Pool Championship

QUEZON CITY — Sa huli, nanaig ang karanasan at kalmadong laro ni Johann “Badger” Chua matapos patumbahin si Anton Raga, 11-9, para koronahang kauna-unahang kampeon ng Philippines Open Pool Championship nitong Sabado sa Quantum Skyview, Gateway Mall 2.

Hindi na nagpaawat si Chua sa pambungad ng laban at agad nagtala ng 5-0 kalamangan, na nagbigay ng maagang kontrol sa dikdikang Pinoy-versus-Pinoy na kampeonato.

Subalit ibang Raga ang humarap sa mga sumunod na rack. Dahan-dahang bumawi ang Cebuano cue artist at sinamantala ang ilang pagkakamali ng katunggali upang makalapit sa 7-6 bago muling magbanta sa 10-9.

Nasa bingit na ng pagkatalo, hindi pa rin bumitaw si Raga. Ngunit sa gitna ng matinding tensiyon, ipinakita ni Chua ang kanyang pagiging beterano at nanatiling matatag sa mga krusyal na sandali.

Tuluyang nagwakas ang pag-asa ni Raga sa huling rack nang maipasok niya sa bulsa ang cue ball sa kanyang break. Agad namang sinunggaban ni Chua ang pagkakataon upang iselyo ang panalo at ang makasaysayang unang titulo ng torneo.

Labis ang ginhawang naramdaman ni Chua makaraan ang laban, matapos niyang malampasan ang matinding habulan at presyur mula sa kababayang karibal.

“Magaan na ang pakiramdam ko. Pareho kaming nakaramdam ng pressure, lalo na sa mga huling sandali, pero nabigyan ako ng pagkakataon at nagawa kong samantalahin iyon,” ani Chua.

Dahil sa tagumpay, naiuwi ng beteranong Pinoy ang $20,000 (humigit-kumulang P1.2 milyon) na pangunahing premyo at ang karangalang maging unang kampeon ng prestihiyosong Philippines Open Pool Championship. Nakuha naman ni Raga ang runner-up honors. (HNT)