Pilipinas U15, sisimulan ang makasaysayang kampanya sa FIFA World Cup

Pilipinas U15 Football FIFA World Cup

BAKU, Azerbaijan — Itatala ng Philippine Under-15 Men’s National Football Team ang bagong kasaysayan sa pagsabak nito sa kauna-unahang FIFA U15 World Cup & Festival kontra Morocco sa Sabado sa Hovsan Competition Complex sa Baku, Azerbaijan.

Bitbit ng batang koponan ang pangarap na maipakita ang husay ng mga Pilipino sa pandaigdigang entablado sa bagong format ng torneo na 8-versus-8, na mas mabilis ang takbo at nangangailangan ng matinding disiplina at pagtutulungan.

Pinangunahan ni head coach Roxy Dorlas, dating miyembro ng national team at dating coach ng PMNFT U16, ang 14-man roster na binubuo ng mga batang manlalaro mula sa iba’t ibang panig ng Pilipinas, gayundin ng mga Pinoy na nakabase sa Estados Unidos at Spain.

Ayon kay Philippine Football Federation (PFF) President John Anthony Gutierrez, isang malaking karangalan para sa mga batang atleta at sa programa ng football sa bansa ang makasali sa kauna-unahang edisyon ng kompetisyon.

“Ang pagkatawan sa Pilipinas sa kauna-unahang FIFA U15 World Cup & Festival ay isang mahalagang tagumpay para sa mga batang manlalarong ito at sa ating programa para sa kabataan,” ani Gutierrez.

Binigyang-diin din niya na pinagsama sa koponan ang mga talento mula sa mga lokal na club, paaralan, regional football associations at mga Pilipinong nasa ibang bansa.

Sa goalkeeping, kabilang sina Jordan Tan ng Makati FC at Keanefred Cristiane Versales ng De La Salle-Zobel.

Aasahan naman sa depensa sina Paolo Enrique Fernandez ng PAREF Southridge, Juan Carlo Felipe Morales ng FA Manila at Panabo, Davao del Norte, Frank Jonas Oliverio ng Makati FC at Negros Occidental, at Matthew Zamora ng Arayat FC.

Sa midfield, inaasahang magpapagalaw ng opensa sina Micah Alva ng Philadelphia, Estados Unidos; Nathan Caligdong ng Barotac Nuevo, Iloilo; John Zhian Enario ng FA Manila; Quito Alexander Pascual ng LA Galaxy Academy sa Estados Unidos; at John Carlo Rendon ng Makati FC at Negros Occidental.

Pangungunahan naman ang atake nina Satriani Alcantara, na naglalaro sa Barcelona, Spain, kasama sina Dan Emmanuel Becera ng Trece FC at Josef Adrien Peña ng La Salle-Dasmariñas.

Tutulungan si Dorlas nina assistant coaches Tetsuya Tsuchida, dating head coach ng PMNFT U16, at Joseph Jino Villarino, dating miyembro ng PMNFT U19.

Ayon kay Gutierrez, buo ang tiwala ng PFF sa coaching staff dahil sa kanilang kaalaman sa kakayahan ng mga manlalaro at sa programa ng pambansang koponan.

Limang laro ang haharapin ng Pilipinas sa Group F. Matapos ang pambungad na laban kontra Morocco, makakaharap nito ang Liberia sa Oktubre 25, ganap na 6:30 ng gabi.

Susunod na makakasagupa ng koponan ang Costa Rica sa Oktubre 26, ganap na 12:45 ng madaling-araw, bago muling maglaro kontra Belize sa ganap na 6:30 ng gabi.

Magtatapos ang kampanya ng Pilipinas sa group stage kontra Curacao sa Oktubre 27, ganap na 12:45 ng tanghali.

Naisakatuparan ang makasaysayang paglahok ng koponan sa tulong ng Philippine Sports Commission (PSC) at mga pribadong katuwang na Puma, Studio 300, Padel 300 at Anytime Fitness.

Umaasa ang PFF na magsisilbing inspirasyon ang kampanya ng PMNFT U15 sa mas maraming kabataang Pilipino upang tahakin ang landas ng football at maabot ang pandaigdigang entablado. (PSC/HNT)