Mga surfing star sa mundo, magtutuos sa Cloud 9

Yago Dura Molly Picklum WSL Philippines Pro Championship Tour Cloud 9

SIARGAO — Magiging sentro ng atensiyon ng surfing world ang Siargao mula Oktubre 30 hanggang Nobyembre 8 sa pagdating ng mga pinakamahusay na surfer sa mundo para sa makasaysayang World Surf League (WSL) Philippines Pro Championship Tour sa sikat na Cloud 9.

Sa unang pagkakataon, magho-host ang Pilipinas ng prestihiyosong Championship Tour (CT), kung saan magtatagisan ng husay ang 40 elite surfer—24 lalaki at 16 babae—sa mapanghamong alon ng Cloud 9.

Tampok sa torneo, na inihahandog sa tulong ng Philippine Sports Commission (PSC), ang mga kilalang pangalan sa pandaigdigang surfing scene, kabilang ang mga kampeon at Olympic medalist.

Mangunguna sa men’s division si Brazilian Yago Dora, kasalukuyang World No. 1, na kilala sa kombinasyon ng matataas na aerial maneuver at mahusay na pagkontrol sa board sa gitna ng matitinding alon.

Makakasama niya ang kapwa Brazilian at mga dating world champion na sina Gabriel Medina at Italo Ferreira, gayundin sina Filipe Toledo at Miguel Pupo.

Magpapasiklab din sa kompetisyon sina Leonardo Fioravanti ng Italy, Kanoa Igarashi ng Japan, at Tyler Wright ng Estados Unidos, na magdadala ng kani-kanilang karanasan at kakaibang estilo sa mapanganib na reef break ng Cloud 9.

Ayon kay PSC Chairman Patrick Gregorio, mahalagang kabanata ito sa kasaysayan ng surfing sa bansa at inaasahang magbubukas ng bagong oportunidad para sa mga lokal na atleta.

“Magiging makasaysayang sandali ito para sa surfing sa Pilipinas. Nawa’y magsilbi itong inspirasyon sa bagong henerasyon ng mga atleta at maipakilala sa buong mundo hindi lamang ang ating mga alon, kundi pati ang pananaw, ambisyon at puso ng mga Pilipino,” pahayag ni Gregorio.

Hindi rin pahuhuli ang women’s division na pangungunahan ni Australian Molly Picklum, na kilala sa agresibo at walang takot na pagsabak sa matataas at hungkag na alon.

Makakasama niya ang American surfer na si Caroline Marks, na kinatatakutan dahil sa malalakas na backhand attack, gayundin ang batang si Erin Brooks na kilala sa matapang na pagsakay sa loob ng mga barrel.

Kabilang din sa mga inaasahang magpapainit sa women’s field sina Gabriela Bryan ng Hawaii at beteranang si Lakey Peterson, na kapwa may sapat na karanasan sa pinakamataas na antas ng surfing.

Kasabay ng pagdating ng mga pandaigdigang bituin, tatlong Pinoy surfer ang magtatangkang ipakita ang kanilang kakayahan laban sa mga pinakamahusay sa mundo: sina John Mark “Marama” Tokong, Jayuard Alciso at Mara Lopez.

Ang pagho-host ng prestihiyosong torneo ay naisakatuparan sa pagtutulungan ng PSC, PAGCOR, Department of Tourism (DOT), Department of Public Works and Highways (DPWH), Tourism and Events Infrastructure and Safety Administration (TIEZA), National Electrification Administration (NEA) at SIARELCO.

Malaki rin ang naging papel ng lokal na pamahalaan sa pangunguna nina Surigao del Norte Governor Lyndon Barbers, General Luna Mayor Johnson Sajulga at Vice Mayor Doc Minmin Sajulga.

Nakiisa rin sa paghahanda ang iba’t ibang ahensiya at katuwang, kabilang ang DILG, DBM, CAAP, DOTr, Philippine Air Force, Philippine Ports Authority, Philippine Airlines, TCP at SDMI.

Sa pagdating ng mga world-class surfer, inaasahang hindi lamang maipapakita ng Siargao ang tanyag nitong mga alon, kundi maitatampok din ang kakayahan ng Pilipinas na magdaos ng malalaking kompetisyong pampalakasan sa pandaigdigang entablado. (PSC/HNT)