Parkour sa Pinas, palalawakin sa grassroots programs

Raven Cruz Parkour

TARGET ni Philippine Parkour head coach Raven Cruz na mas mapalawak ang Parkour sa bansa sa pamamagitan ng grassroots programs at pagtuklas sa mga kabataang may potensiyal sa nasabing sport.

Ang Parkour ay nangangailangan ng bilis, lakas, balanse at liksi upang malampasan ang iba’t ibang harang sa pamamagitan ng pagtakbo, pagtalon, pag-akyat, pag-vault at iba pang galaw.

Unti-unti nang dumarami ang nahihilig sa Parkour, mula sa kabataan hanggang sa senior citizens, persons with special needs at mga elite athlete na kabilang sa training pool ng national team sa tulong ng Pilipinas Obstacle Sports Federation at Gymnastics Association of the Philippines.

Ayon kay Cruz, mahalagang maitama ang maling pananaw ng publiko na ang Parkour ay basta pagtalon sa mga gusali o gawaing kahalintulad ng akyat-bahay na madalas mapanood sa social media.

“Ang Parkour ay may common stigma na sports ng mga akyat-bahay at nilalaro-laro lang. Ang nakikita sa social media ay puro extreme, pero hindi nakikita ang pagsasanay sa basics,” paliwanag ni Cruz sa lingguhang TOPS (Tabloid Organization in Philippine Sports, Inc.) Usapang Sports Forum sa PSC conference room sa Rizal Memorial Sports Complex sa Malate, Maynila.

Binigyang-diin niya na nagsisimula ang pagsasanay sa tamang pagtalon at paglapag, pagtakbo at pag-iingat sa sarili upang maiwasan ang pinsala.

Upang muling pasiglahin ang komunidad ng Parkour sa Pilipinas, regular na nagsasagawa si Cruz ng mga clinic para sa beginners at advanced athletes. Kabilang dito ang isinagawang aktibidad noong nakaraang buwan sa Quirino Grandstand.

“Gusto nating mabuo ang community dahil may mga atleta na nagtuon muna sa trabaho at pag-aaral. Ang ilan sa pinakamahuhusay nating atleta ay nagtrabaho sa ibang bansa bilang performers. Masaya tayo dahil may napuntahan ang kanilang kakayahan, pati na ang mga dating street children na natuto ring mag-Parkour,” ani Cruz.

Sinuportahan ng Philippine Sports Commission, Pocari Sweat at Behrouz Persian Cuisine ang nasabing forum.

Samantala, determinado ang Philippine Parkour team na muling makasabak sa mga international competition at sukatin ang kakayahan ng mga Pinoy laban sa mas matitinding kalaban.

Nagtapos sa Top 10 ang koponan sa isang kompetisyon sa Portugal noong 2024, at nais nitong makapagpadala muli ng mga de-kalidad na atleta sa mga susunod na torneo sa ibang bansa.

Ayon kay Cruz, marami silang nakikitang atletang may potensiyal na makipagsabayan sa international scene. Patuloy nilang hinahasa ang mga ito at hinihikayat na maglaan ng oras at pagsisikap para sa kanilang pangarap na makapagtagumpay sa mga susunod na kompetisyon. (HNT)