Running Inay, inspirasyon ng mga senior

Running Inay Marlene Gomez Doneza TOPS PSC

HINDI hadlang ang edad para maging malakas, aktibo at malusog. Ito ang pinatunayan ni Marlene Gomez Doneza, mas kilala bilang “Running Inay,” matapos makumpleto ang makasaysayang 2,557-kilometrong Trans Pilipinas Endurance Run mula General Santos City hanggang Pagudpud, Ilocos Norte.

Sa edad na 64, naging unang senior runner si Doneza na nakatapos sa naturang ultra-marathon, na hindi lamang pagsubok sa kanyang tibay kundi bahagi rin ng adbokasiyang hikayatin ang kapwa senior citizen na pangalagaan ang kalusugan sa pamamagitan ng ehersisyo at aktibong pamumuhay.

Mula Agosto 5 hanggang Oktubre 15, hinarap ng tubong Batangas City na si Running Inay ang matinding init, ulan, mahihirap na daan at matatarik na ahon bago tuluyang makumpleto ang kanyang pagtakbo.

Ito na ang ikalawang matagumpay na ultra-marathon ni Doneza matapos niyang tawirin ang 1,300 kilometro mula Sorsogon hanggang Pagudpud sa loob ng 36 araw noong 2025. Kabilang siya sa Running Team CALABARZON.

Aminado si Running Inay na hindi naging madali ang kanyang paglalakbay, lalo na sa kanyang edad, ngunit nanaig ang determinasyon at suporta ng mga taong naniwala sa kanyang kakayahan.

“Sa totoo lang, mahirap bilang senior. May pagkakataong nagkakapaltos at sumasakit ang tuhod, pero dahil sa mga taong tumutulong at sumusuporta sa amin, binabalewala na lang ang lahat at tuloy ang laban,” pahayag ni Doneza sa lingguhang Tabloid Organization in the Philippine Sports (TOPS) Usapang Sports Forum.

Para naman sa kanyang mga kasamahan sa Team Running Inay, malaking tagumpay ang kanilang kampanya dahil mas marami silang nahikayat na senior citizen na maging aktibo at subukan ang iba’t ibang uri ng ehersisyo at palakasan.

Ayon kay Melanie Malinhan, masaya silang natapos ni Running Inay ang buong ruta sa kabila ng mga pagsubok na kanilang pinagdaanan.

“Marami kaming pinagdaanan sa daan. Nariyan ang ulan at matinding init, pero masayang-masaya kami dahil hindi namin inakalang magtatagumpay si Inay at matatapos ang 2,557 kilometro,” ani Malinhan.

Ibinahagi rin ni coach Nicanor Gandeza ang hirap na kanilang hinarap sa Mindanao leg, partikular sa Davao, Bukidnon, Gingoog at Claveria, kung saan kinailangan nilang lampasan ang matatarik na ahon at lusong, mahihirap na trail at matinding heat index.

Gayunman, naging mas magaan ang kanilang biyahe nang marating ang Visayas at Luzon legs matapos ang mabibigat na pagsubok sa Mindanao.

Nakatulong din sa pagpapatuloy ng laban ni Running Inay ang mga taong nakakasalubong nila sa daan na nagbibigay ng dagdag na lakas at inspirasyon. Malaking tulong din ang suporta ng Philippine National Police (PNP) sa pangunguna ni Chief General Jose Melencio C. Nartatez Jr.

Sa kabila ng tagumpay, higit pa sa rekord at distansiyang nalampasan ang nais makamit ni Running Inay—ang mahikayat ang mas maraming nakatatanda na huwag hayaang maging dahilan ang edad upang pabayaan ang sariling kalusugan.

“Ang maipapayo ko sa mga senior, sana ay manatiling aktibo kahit nagretiro na sa trabaho. Panahon na para alagaan naman natin ang ating sarili. Napakahalaga ng ehersisyo at dapat gawin natin itong bahagi ng ating araw-araw na gawain,” mensahe ni Doneza.

“Kapag nag-eehersisyo, mas gumagaan ang kilos natin, hindi agad napapagod at mas nagiging masigla,” dagdag niya.

Ang naturang TOPS forum ay sinuportahan ng Philippine Sports Commission, Pocari Sweat at Behrouz Persian Cuisine. (HNT)