Ernie Gawilan Swimming Asian Para Games

NAGOYA — Mula sa gintong medalya, pilak naman ang isinukbit ni beteranong para swimmer Ernie Gawilan matapos pumangalawa sa men’s 200-meter individual medley SM7 final ng Aichi-Nagoya 2026 Asian Para Games nitong Martes.

Naitala ni Gawilan ang 2 minuto at 52.72 segundo upang muling makapuwesto sa podium, isang araw matapos ihatid sa Pilipinas ang unang ginto ng torneo sa men’s 400-meter freestyle S7.

Ngunit ibang klase ang ipinamalas ng karibal na si Zhang Yilong ng China, na nagtala ng bagong Asian record na 2:37.69 upang sungkitin ang kampeonato. Tansong medalya naman ang napunta kay Niranjan Mukundan ng India sa oras na 2:57.01.

Bagama’t nalampasan ni Gawilan si Mukundan nang 4.29 segundo, hindi niya napantayan ang matinding ratsada ni Zhang.

Bumawi naman ang Chinese swimmer matapos siyang talunin ni Gawilan sa 400-meter freestyle noong Lunes. Sa naturang karera, naghari ang Pinoy sa oras na 4:56.72 habang nagkasya si Zhang sa pilak sa 5:01.36.

Samantala, lalo pang pinatamis ni Ariel Joseph Alegarbes ang kampanya ng Pilipinas matapos masungkit ang ginto sa men’s 100-meter backstroke S14.

Humataw si Alegarbes sa oras na 1:01.56 upang talunin nang dikit na dikit si Sungho Kang ng South Korea, na nahuli lamang ng limang-sandaan ng isang segundo.

Dahil dito, umakyat na sa dalawa ang gintong medalya ng Team Philippines, kasama ang unang kampeonato ni Gawilan.

Sa isang ginto at isang pilak, patuloy na nagiging sandigan si Gawilan ng delegasyon sa paghahabol ng dagdag na karangalan para sa bansa sa torneo na tampok ang pinakamahuhusay na para athlete sa Asya. (PPC-PSC Media Pool/HNT)