MANILA — Nakatakdang sumabak ang Pilipinas sa kauna-unahang FIFA U15 World Cup & Festival na gaganapin sa Baku, Azerbaijan mula Oktubre 24 hanggang 30, 2026.
Makasaysayan ang torneo dahil kauna-unahang pagkakataon na bukas ang isang FIFA youth competition sa lahat ng 211 miyembrong asosasyon nito nang walang kinakailangang qualifying rounds.
Mapapabilang ang Pilipinas sa Group F kasama ang Morocco at Liberia mula sa Africa, at Costa Rica, Curaçao at Belize mula naman sa North America.
Ayon kay Philippine Football Federation (PFF) president John Anthony Gutierrez, malaking oportunidad ang torneo para maipakita ang bunga ng pagsisikap na palakasin ang football program ng bansa, lalo na sa grassroots level.
“Bihirang pagkakataon para sa ating mga batang manlalaro ang makalaro sa entablado ng FIFA, kaya sisikapin naming sulitin ito,” ani Gutierrez.
Dagdag niya, pagkakataon din ito upang maipakita sa mundo ang mga talentong nahubog sa tulong ng Regional Football Associations (RFAs), youth national team programs at Talent Identification Program ng PFF, kapwa sa Pilipinas at sa ibang bansa.
Para sa mga kabataang ipinanganak noong 2011 at 2012, gagamitin sa torneo ang 8-a-side format o walong manlalaro bawat koponan, na may tig-20 minutong dalawang halves.
Idaraos ang mga laban sa Hovsan Competition Complex sa Baku, habang sa tanyag na Crystal Hall gaganapin ang pambungad na laban at mga finals ng bawat antas ng kompetisyon.
Tinatayang halos 1,000 laban ang isasagawa sa buong torneo, na lalahukan ng mahigit 3,000 manlalaro, coach at opisyal mula sa iba’t ibang panig ng mundo.
Matapos ang group stage, paghahatiin ang mga koponan sa anim na antas batay sa kanilang performance. Sa ganitong sistema, lahat ng koponan ay magkakaroon ng pagkakataong magpatuloy sa kompetisyon hanggang sa huling araw ng torneo.
Bubuuin ang Philippine delegation mula sa mga natatanging manlalarong matutukoy ng mga RFA, mga kasalukuyang miyembro ng youth national team at mga talentong natuklasan sa mga identification camp sa ibang bansa.
Bawat delegasyon ay maaaring magkaroon ng hanggang 20 miyembro, kabilang ang 14 na manlalaro at anim na staff para sa technical, medical, safeguarding, education at content production duties.
Iba rin ang ilang tuntunin sa torneo kumpara sa tradisyonal na football. Kabilang dito ang rolling substitutions, offside na ipatutupad lamang sa huling bahagi ng attacking zone at kick-ins bilang pamalit sa throw-ins. Layunin ng mga pagbabagong ito na mas dumalas ang paghawak ng mga bata sa bola at mahikayat ang mabilis at teknikal na laro.
May karanasan na ang Pilipinas sa 8-a-side format matapos itong gamitin sa Elementary Boys’ football tournament ng 2026 Palarong Pambansa noong Mayo, sa pakikipagtulungan ng Department of Education. Nagkampeon sa kompetisyong iyon ang Western Visayas.
Para kay Gutierrez, patunay ang paglahok ng bansa sa FIFA tournament na nagbubunga na ang patuloy na pamumuhunan sa grassroots football at pagpapalawak ng programa para sa mga kabataan.
“Kapag matibay ang pundasyon mula sa grassroots, nagiging posible ang mga ganitong pagkakataon. Patunay ang pagpapadala natin ng koponang hinubog ng mga RFA at youth national program na gumagana ang ating sistema,” pahayag niya.
Hindi lamang kompetisyon ang layunin ng FIFA U15 World Cup & Festival kundi pagkakataon din para sa mga bansang hirap makapasok sa malalaking international tournament na masukat ang kanilang kakayahan laban sa mga batang talento mula sa iba’t ibang bansa.
Nakatakda namang idaos ang bersiyon para sa mga babae sa 2027, bago maging taunang kompetisyon ang dalawang torneo simula 2028. (PSC/HNT)
