HANDA nang makipagsabayan sa pinakamahuhusay na surfer sa mundo si John Mark “Marama” Tokong, ang tinaguriang “King of Cloud 9,” matapos makakuha ng wildcard para sumabak sa kauna-unahang World Surf League (WSL) Championship Tour sa Pilipinas.
Gaganapin ang makasaysayang torneo sa sikat na Cloud 9 sa Siargao mula Oktubre 30 hanggang Nobyembre 8, kung saan magtatagisan ng husay ang mga piling surfer sa buong mundo.
Malaking karangalan para kay Tokong ang pagkakataong makipagpaligsahan sa pinakamataas na antas ng surfing sa sarili niyang bakuran.
“Isa ito sa pinakamalaking pangarap ko—ang makasali sa Championship Tour sa sarili kong alon. Lubos akong nagpapasalamat sa pagkakataong ito at sabik akong katawanin ang aking bayan at ang bansa,” pahayag ni Tokong.
Hindi na bago kay Tokong ang mga dambuhalang alon ng Cloud 9. Sa katunayan, nakapagtala siya ng limang pagpasok sa finals at apat na kampeonato sa Siargao International Surfing Cup noong 2015, 2019, 2022 at 2023.
Lalong tumibay ang kanyang pangalan noong 2023 nang maging kauna-unahang Pilipinong surfer na makapasok sa WSL Challenger Series.
Sa kanyang malalim na kaalaman sa mga alon ng Siargao, inaasahang magiging malaking bentahe ni Tokong ang pamilyar na lugar sa kanyang pakikipagsabayan sa mga world-class na surfer.
Kasama rin sa mga Pinoy na nakakuha ng wildcard sina Jayuard Alciso at Mara Lopez, na kapwa magtatangkang patunayan na kayang makipagsabayan ng mga lokal na surfer sa mga dayuhang beterano.
Kabilang sa mga inaabangang lalaban sa men’s division sina world No. 1 Yago Dora ng Brazil, Leonardo Fioravanti ng Italy, at mga Brazilian star na sina Italo Ferreira, Miguel Pupo, Gabriel Medina at Filipe Toledo. Kasama rin si Kanoa Igarashi ng Japan at Tyler Wright ng Estados Unidos.
Sa women’s division, magpapakitang-gilas naman sina Molly Picklum, Caroline Marks, Erin Brooks, Gabriela Bryan at Lakey Peterson.
Para kay Tokong, karangalan nang makasabay sa lineup ang mga pinakamahusay na surfer sa mundo. Gayunman, kung siya ang papipiliin, nais niyang makatunggali sina Medina o Ferreira.
Ayon kay WSL Asia-Pacific President Andrew Stark, walang mas angkop na kumatawan sa Pilipinas sa makasaysayang torneo kundi si Tokong, na naging kasingkahulugan na ng Cloud 9 sa nakalipas na dekada.
Suportado rin ng pamahalaan ang pagdaraos ng prestihiyosong kompetisyon, na inaasahang magpapalakas sa sports tourism at magpapakilala pa sa galing ng mga Pilipino sa pandaigdigang entablado.
Sa pangunguna ng Department of Tourism, Department of Public Works and Highways, Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority at National Electrification Administration, katuwang ang SIARELCO, tiniyak ang paghahanda ng Siargao para sa pagdating ng mga pinakamahusay na surfer sa mundo.
Para kay Tokong, hindi lamang ito pagkakataong magpakitang-gilas kundi pagkakataon ding patunayan na kabilang ang mga Pilipino sa mga piling atleta ng surfing.
Sa sariling alon ng Cloud 9, hangad ng “King of Cloud 9” na ipakita sa buong mundo na may puwang ang mga Pinoy sa pinakamataas na antas ng surfing. (PSC/HNT)
