BILIS na may kasamang determinasyon ang ipinamalas ni Pinoy para swimmer Marco Tinamisan matapos magtala ng personal best na 49.97 segundo sa men’s 50-meter freestyle ng Aichi-Nagoya 2026 Asian Para Games.
Mas mabilis ito kumpara sa dati niyang marka na 52 segundo, senyales ng kanyang patuloy na pag-angat sa kompetisyon.
Pumangatlo si Tinamisan sa unang heat, 0.32 segundo lamang ang agwat kay Askhat Sariyev ng Kazakhstan.
Ngunit hindi pa rito nagtatapos ang kanyang laban. Sa final ngayong araw, alas-4:48 ng hapon, target ng Pinoy swimmer na higitan pa ang kanyang bagong rekord.
Lalong nagbibigay-lakas kay Tinamisan ang suporta ng kanyang asawang si Ria, anak na si Rhiam at ang pagkakataong katawanin ang Pilipinas sa pandaigdigang entablado.
Sa ganitong labanan, bawat segundo at bawat kisapmata ay mahalaga sa paghahangad ng mas magandang resulta. (PPC-PSC Media Pool/HNT)
Laban, Marco! Ipagmalaki ang bandila ng Pilipinas!
