Amang Parica Cup, may P1-M premyo

Jose Amang Parica 9-ball billiards

NAKATAKDANG maglunsad si Filipino billiards legend Jose “Amang” Parica ng torneo sa Maynila sa Pebrero, tampok ang target na P1 milyong papremyo para sa kampeon.

Sa edad na 77, muling nagbabalik sa eksena ang dating world 9-ball champion sa pamamagitan ng Amang Parica Cup, na bukas sa lahat ng manlalarong nais sumabak sa malaking labanan.

Sa kanyang pagbisita sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum nitong Martes sa Philippine Sports Commission media room, sinabi ni Parica na mayroon na siyang tatlong pribadong indibidwal na kausap para tumulong sa pagpopondo at pagsasagawa ng torneo.

“Nag-aagawan pa nga sila,” kuwento ng beteranong cue artist.

“Malakihan ang premyo. We are looking at P1 million for first prize. Open sa lahat,” dagdag niya.

Mahigit 100 titulo na ang naiuwi ni Parica mula nang maging propesyonal noong 1974. Isa siya sa mga Pilipinong nagbukas ng pinto para makilala ang mga Pinoy sa international billiards circuit.

Hindi rin malilimutan ang kanyang pambihirang panalo sa 1997 Legends of 9-Ball tournament, kung saan tinapos niya ang isang race-to-11 match mula sa unang break nang hindi nagmintis sa kahit isang tira. Tinalo niya sa finals ang kapwa alamat na si Efren “Bata” Reyes.

“Efren is a good friend,” ani Parica, na nagwagi ng silver medal sa 1987 Southeast Asian Games sa Jakarta bago naging world 9-ball champion noong 1988.

“Pero ang alam ko, apat na beses ko tinalo si Bata dati,” dagdag pa niya.

Plano ni Parica na magsimula sa nationwide qualifying tournament na posibleng lahukan ng 256 manlalaro. Mula rito, 128 ang uusad sa main draw sa Maynila.

May premyo rin ang mga mananalo sa qualifying round, kaya asahan ang matinding bakbakan simula pa lamang sa mga unang yugto ng kompetisyon.

Bukod sa torneo, bukas din si Parica sa posibilidad ng isang exhibition match kasama si Reyes o kaya naman ay ang boxing icon na si Manny Pacquiao.

“Pwede kami ni Efren. Sana maulit,” pahayag niya.

Kasama ni Parica sa PSA Forum ang anak niyang si Ramon. Ang pagtitipon ay inihandog ng San Miguel Corporation, Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, MILO at ArenaPlus.

Bago manirahan sa Los Angeles, naging tanyag si Parica noong dekada ’80 at lumabas din sa anim na patalastas ng San Miguel Beer kasama sina Elorde, Reyes at ang Apo Hiking Society.

Sa planong Amang Parica Cup, inaasahang muling mabibigyan ng malaking entablado ang mga manlalarong Pinoy upang ipakita ang kanilang husay at makipag-agawan sa malaking papremyo. (PSA/HNT)