HARD TALK
ni Pilar Mateo
MAHIGIT dalawang milyon na at nadaragdagan pa ang viewers ng aktor na kinahumalingan sa dance crazes niya sa Tiktok ng naka-heels.
Umalagwa lalo si Gardo Versoza nang kinagiliwan naman siyang tawaging “cupcake” ng kanyang mga taga-subaybay.
Nag-click ang cupcake moniker niya (na mula sa isang karakter sa isang serye na si Ai Ai delas Alas umano ang nagbansag).
Kaya kahit saan man makarating si Gardo o cupcake, sinusubaybayan ang mga ginagawa niya sa Tiktok.
Dalawang magkaibigan ang nagka-interes na makilala ng personal ang aktor.
Pero hindi lang basta makilala o makadaupang palad. Isang paanyaya ang ipinaabot kay Gardo para magpasinaya o mag-ribbon cutting sa Lucky Plaza sa Singapore sa November 8, 2026.
Ito ang Salvs Beauty Center pa pag-aari ni Salvs Lansang.
Regular customer dito ang sumikat na singer na si Mae Rivera (na sumikat sa kantang Arayyy at marami pa) na roon na naninirahan.
Napagdesisyonan nila na anyayahan ang aktor para magbigay saya sa mga tao sa pagbubukas ng naturang beauty center.
Pumalo na ang short video Tiktok ni Gardo na nag-aanyaya sa mga taga-Singapore na samahan siya sa nasabing event.
Ilulunsad kasi rito ni Salvs ang kanyang Tiktok Jingle and Dance Craze contest para pasayahin ang mga taong dadalo para makita si Cupcake at makasamang mag-tiktok sa araw na ‘yun.
Gagawa ang contestants ng original jingle about Salvs Beauty Centre, kasama ang sarili nilang dance choreography.
At tatanggap ng S$500 cash prize ang winner!
At ngayong si Gardo o Cupcake mismo ang nagyayayang, simple lang ang invitation nito: “Hello, mga ka-Salvs at ka-Cupcake! Balita ko maraming magagaling na TikTokers at dancers diyan sa Singapore! Kaya eto na ang challenge ko sa inyo! Gumawa kayo ng sarili ninyong jingle at dance craze para sa Salvs Beauty Centre! At sa November 7, kami mismo ni Salvs ang pipili ng winner! Kaya galingan ninyo, dahil magkikita-kita tayo sa November 8 sa Grand Opening ng Salvs Beauty Centre Singapore! See you there!”
Kahit minsan ng dinatnan ng matinding dagok sa kanyang kalusugan ang aktor, tuloy pa rin ito sa karera niya bilang aktor at ang pagti-Tiktok nga na minahal sa kanya ng mga taga-suporta ang pinagbabalingan ng kanyang kasiyahan na sinasamahan ng misis na si Ivy at kanilang anak na si Deity.
Samantala, thankful naman si Mae sa friendship nila ni Allyna Velasquez na isa ring singer na siyang nag-refer sa kanya kay Cupcake.
Masaya ito. So don’t miss this chance.
Mga kababayan in Singapore o kamag-anakan nating nandoon ngayon!
Makisaya na kay Cupcake at Salvs at mag-uwi ng S$500. Wow! P25K ‘yan in Philippine pesos!
At marami pang goodies! So, Tiktok na kayo!
