Filipinas U17, ikatlong sunod na pasok sa Asian Cup

PH U17 Womens National Football Team

TASHKENT — Tinapos ng Philippine Under-17 Women’s National Football Team ang kampanya sa qualifying tournament sa impresibong 3-0 panalo kontra Bangladesh nitong Linggo sa Do’stlik Stadium Training Pitch 1 sa Uzbekistan.

Muling pinatunayan ng Filipinas U17 ang lakas ng programa ng Philippine women’s football matapos walisin ang Group H at selyuhan ang ikatlong sunod na tiket sa AFC U17 Women’s Asian Cup 2027.

Bago nito, dinaig din ng batang Filipinas ang host Uzbekistan, 4-0, noong Oktubre 5 upang dominahin ang kanilang grupo at makausad sa kontinental na torneo.

“Qualifying once is an achievement. Qualifying three times in a row tells us the work behind this program is sustainable,” pahayag ni Philippine Football Federation (PFF) president John Anthony Gutierrez.

Ayon kay Gutierrez, bunga ng tuluy-tuloy na pag-unlad ng programa ang tagumpay ng bawat henerasyon ng Filipinas U17.

Hindi naging madali ang panalo kontra Bangladesh dahil kinailangan ng Pilipinas ng 72 minuto bago tuluyang makapuntos.

Ilang pagkakataon nang muntik makaiskor ang Filipinas, ngunit napigilan ng Bangladesh goalkeeper na si Meghla Rani Roy ang mga pagtatangka nina Noelle Granger, Aryanna Capsa at Ariana Enderes sa unang bahagi ng laro.

Muntik namang maunang bumulaga ang Bangladesh nang tumama sa crossbar ang lob ni Alpi Akter sa stoppage time ng unang half, kasunod ng muntik nang pumasok na header ni Mousumi Akter.

Sa ika-73 minuto, tuluyan nang nakalusot ang Pilipinas nang maipasok ni right back Maya Rose Bascara ang bola sa gitna ng gulo sa harap ng goal matapos ang isang corner kick.

Napanatili naman ni goalkeeper Abigail Garcia ang kalamangan ng Filipinas nang pigilan niya ang one-on-one attempt ni Alpi Akter sa ika-79 minuto.

Pero hindi pa roon nagtapos ang ratsada ng Pilipinas.

Sa ika-90 minuto, muling nagpakitang-gilas si Granger matapos salubungin ang matalinong through ball mula sa midfield na ipinasa ng substitute na si Ariana Gementiza para sa ikalawang goal ng Filipinas.

Wala pang isang minuto ang lumipas, muling umiskor si Granger sa isang mabilis na running strike matapos maagaw ni Savannah Chheng ang bola at magpakawala ng mahabang pasa.

Dahil dito, nagtala si Granger ng kabuuang limang goal sa dalawang qualifying match, kabilang ang hat-trick niya laban sa Uzbekistan.

Para kay Gutierrez, higit pa sa sunod-sunod na qualification ang tunay na tagumpay ng programa: ang makapagluwal ng mga manlalarong kalauna’y magiging haligi ng senior national team.

Kabilang sa mga dating miyembro ng Filipinas U17 na regular nang bahagi ng senior Filipinas ang Batch 2024 players na sina Alexa Pino, Jael Guy at Ariana Markey, gayundin sina Aiselyn Sia, Tea Pidding at Leah Bradley mula sa Batch 2026.

Naghahanda rin ang senior Filipinas sa hangaring makapasok sa ikalawang sunod na FIFA Women’s World Cup sa susunod na taon.

Samantala, pinuri ni team manager Selu Lozano ang mga manlalaro, coach, staff at lahat ng sumuporta sa koponan para makamit ang mahalagang tagumpay.

Binigyang-pugay rin niya ang dating Filipinas head coach na si Alen Stajcic sa paggabay nito sa koponan sa torneo.

Ayon kay Lozano, nananatiling pangunahing layunin ng programa ang pagbuo ng isang matibay na sistema ng paghubog ng talento na magsusuplay ng mga de-kalidad na manlalaro sa senior national team.

Hangad ng programa na makarating sa World Cup na hindi bababa sa kalahati ng lineup ay mga manlalarong hinubog sa Pilipinas, kasama ang mahuhusay na Filipinang naglalaro sa ibang bansa.

“Gusto naming manalo ngayon habang bumubuo ng isang sistemang magbibigay sa mga susunod na koponan ng mas malaking pagkakataong magtagumpay,” diin ni Lozano.

Nakatakdang ituon ngayon ng Filipinas U17 ang kanilang paghahanda sa AFC U17 Women’s Asian Cup 2027 na gaganapin sa China sa Abril 2027. Isasagawa naman sa Disyembre 2026 ang draw para sa torneo. (PSC /HNT)