Kapag ping-ilipit ‘este pilipit huwag na sanang ipilit

00 Aksyon Agad

AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan

IDOL Ping ‘wag sana kayong maging hari ng sablay.

Iba na kasi ang tingin ng marami. Kung dati ay inaabangan ang inyong mga exposé, ngayon parang nauumay na ang mga  uma-idol sa inyo. Parang ‘namomolitika’ na lang daw kayo.

Parang mind-conditioning,  bago pa man lumabas ang tunay na ebidensiya, tila may hatol na sa media. Ipipilit ang sariling istorya basta’t may maipukol sa kalaban. Kumbaga, kahit pilipit, pilit na ipinipilit. ‘Wag naman sanang gnaoon idol.

Sa lumang gawi ng pulisya, kapag mahina ang ebidensiya laban sa isang tao, hahanap at hahanap ng anumang maipupukol para lang may maikabit na kaso. Hindi natin sinasabing nagtanim ng ebidensiya si Senator Ping Lacson. Pero sa sunod-sunod niyang banat sa mga proyekto sa Taguig kaugnay kay Senator Alan Peter Cayetano, hindi natin maiwasang magtanong: Katotohanan pa ba ang hinahanap dito, o pilit na lang itinutulak ang isang kuwento para lang sirain ang kalaban?

Unang bumanat si Ping sa usapin ng mga “ghost projects” sa flood control, kaduda-dudang larawan sa billing, at duplicated appropriations. Dapat lang imbestigahan sapagkat pampublikong pera ‘yan.

Pero noong Senate budget hearing noong Setyembre 25, nagkaroon ng malaking lamat ang teorya. Mismong si DPWH Secretary Vince Dizon ang nagsabi noong una na walang nahanap na ghost project sa Taguig sa pangkalahatang situwasyon, habang si Undersecretary Ricardo Bernabe III ay nag-ulat na may 107 proyekto sa lungsod at  may aktuwal na accomplishment.

May kulang man o mali sa papeles, malinaw ang isang bagay, may totoong nakatayong gusali at proyekto sa Taguig. Hindi kathang isip lang, hindi ghost  tulad ng nais na iparating sa media.

Pero hindi tumigil si Lacson. Pinipilit pa rin ang larawan at geolocation data. Idol, remember, magkaiba ang aberya sa dokumento sa proyektong hindi naman talaga itinayo.

Noong lumalabo na ang ghost project issue, pumasok ang pangalawang akusasyon, ang illegal reclamation sa Laguna de Bay. Tinukoy ni Lacson ang 30 ektarya ng lupa na binubuo ng 7 lote na dumaan daw sa reclamation nang walang pahintulot ng Philippine Reclamation Authority(PRA).

Dapat ba itong silipin? Oo. Pero sapat na ba ito para sabihing si Cayetano ang personal na nag-aproba ng proyekto? Malayong magkaiba ang reclamation violation sa personal na kasalanan ng isang opisyal.

At noong hindi pa rin sapat ‘yan, lumitaw ang pangatlong banat, ang  ‘fake titles’. Apat na parcel ng lupa na may 38.83 ektarya daw ang peke at walang kaukulang record sa LRA.

Pero sa pagdinig noong Setyembre 22, malinaw din ang pahayag ng PRA, hindi idineklara ng PRA na peke ang mga titulong iyon. Magkaiba ang titulong may usapin sa registration sa titulong sadyang pineke. Magkaiba rin ang usapin sa lupa sa krimen ng isang pampublikong opisyal.

Tatlong magkakaibang akusasyon na ginamit para ipukol sa kalaban. Tatlong akusasyon na hindi klaro ang ebidensiya.

Ang ating tanong, anong klaseng imbestigasyon ito? Ang katotohanan ba ang sinusundan, o may gustong ipilit na kuwento para lang maipit ang target.

May punto si Cayetano nang sabihin niyang  “selective scrutiny” o ‘pampolitikang pamomolitika’ lang ito. Dahil kung seryoso talaga si Sen. Ping sa pagsugpo sa anomalya, bakit ang Taguig lang at si Cayetano ang puntirya niya?

Matagal sa law enforcement si Sen Ping. Bilang dating PNP Chief, alam niya dapat na ang tunay na hustisya ay hindi naghahanap ng puwedeng ipitin, kundi naghahanap ng purong katotohanan.