Heroes’ welcome sa Team Pilipinas; 29 medalya sa Asiad, ipinagmalaki

Team PH Pilipinas Asian games Heroes Welcome

MANILA — Mainit na pagtanggap ang sumalubong sa Team Pilipinas matapos ang makasaysayang kampanya nito sa 20th Asian Games sa Aichi-Nagoya, Japan, na nagtapos sa 29 na medalya—apat na ginto, siyam na pilak at 16 na tanso.

Pinangunahan ni Philippine Olympic Committee (POC) President Abraham “Bambol” Tolentino, kasama sina Philippine Sports Commission (PSC) Chairman John Patrick “Pato” Gregorio at Team Philippines Chef de Mission Richard Anthony Lim, ang pagtanggap sa mga atletang Pinoy sa ginanap na Team Philippines Heroes’ Welcome and Press Conference nitong Lunes, Oktubre 5, sa Century Seafood Restaurant sa Century Park Hotel sa Maynila.

Tampok sa pagtitipon ang tatlong atletang naghatid ng apat na gintong medalya ng bansa.

Kabilang dito ang gymnast na si Carlos Edriel Yulo, na nagkampeon sa men’s floor exercise at vault; pole vault star EJ Obiena, na muling naghari sa kaniyang event; at taekwondo standout Jeus Gabriel Derick Yape, na nag-uwi ng ginto sa virtual taekwondo at tanso sa poomsae.

Kasama rin sa pagdiriwang ang iba pang silver at bronze medalists ng Team Pilipinas na nagbigay ng karangalan sa bansa sa pinakamalaking kompetisyong pampalakasan sa Asya.

Sa kabuuan, nagtala ang Pilipinas ng 29 na medalya—4 ginto, 9 pilak at 16 tanso, na tumabla sa pinakamataas na silver medal haul ng bansa sa modernong panahon na naitala noong 1970 Bangkok Asian Games.

Ito rin ang naging pinakamalaking kabuuang medalya ng Pilipinas sa modernong panahon ng Asian Games, matapos ang 1966 Bangkok edition.

Ipinagmalaki  ni Philippine Olympic Committee (POC) President Abraham “Bambol” Tolentino ang naging resulta ng delegasyon at nanawagan ng mas agresibong paghahanda para sa 2028 Los Angeles Olympics.

“Huwag bibitaw, huwag bibitinin—dapat buhos!”

Ayon kay Tolentino, malaking bahagi ng mga medalya ng Pilipinas sa Nagoya ay nagmula sa mga core Olympic sports, dahilan upang igiit niyang kailangang ituon ang suporta sa mga atletang may malinaw na tsansa sa Olympic qualification.

Kabilang dito ang mas malaking pondo para sa training, international exposure at pagsabak sa mga qualifying tournament upang masigurong makukuha ng mga atletang Pilipino ang bawat oportunidad para sa Los Angeles Games.

Sa tennis, kabilang sa tinututukan si Alex Eala, na kasalukuyang nasa World No. 18 at nasa magandang posisyon para sa Olympic qualification. Sa boxing naman, sisimulan sa susunod na taon ang serye ng qualifying tournament sa Almaty, Kazakhstan.

Samantala, matapos ang matagumpay na kampanya sa Nagoya, nakahanda rin ang pambansang taekwondo team para sa Asian Continental Qualifying Tournament.

Binigyang-diin ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Patrick “Pato” Gregorio ang mas malawak na pinagmumulan ng medalya ng Pilipinas sa Aichi-Nagoya.

Ayon kay Gregorio, nakapag-uwi ng medalya ang bansa mula sa humigit-kumulang 18 hanggang 19 na magkakaibang isports, malaking pag-angat kumpara sa 11 sports na naghatid ng medalya noong 2023 Hangzhou Asian Games.

Para sa PSC chief, patunay ito na lumalawak ang epekto ng grassroots sports development at unti-unting dumarami ang mga disiplina kung saan may kakayahang makipagsabayan ang mga atletang Pilipino.

Higit sa medalya, hiniling din ni Gregorio sa publiko na kilalanin at pahalagahan ang sakripisyo ng bawat atleta.

Anuman ang naging resulta ng kanilang laban, aniya, nararapat lamang na kilalanin ang sipag, tiyaga, dedikasyon at sakripisyong kanilang inilaan para sa bayan.

Sa pagtatapos ng Aichi-Nagoya Asian Games, hindi lamang 29 medalya ang iniuwi ng Team Pilipinas kundi isang mas malinaw na mensahe: mas malawak na ang saklaw ng Philippine sports, at mas mataas na ngayon ang target—ang Los Angeles Olympics. (POC/HNT)