ni MICKA BAUTISTA
INILAGAY sa floating status at pansamantalang
tinanggal ng National Bureau of Investigation (NBI) ang lahat ng miyembro ng NBI Tarlac District Office sa kanilang field duties kasunod ng mga alegasyon ng pangongotong.
Kinompirma ito ni NBI Director Melvin Matibag sa panayam nitong Lunes, 5 Oktubre, sa isang sa programa sa radyo na nagsasaad na ang buong roster ng lokal na tanggapang panlalawigan ay nahaharap ngayon sa isang internal na imbestigasyon.
“Sa ngayon po lahat ng miyembro ng Tarlac District Office po, they are now in floating status po and under investigation by internal affairs,” ani Matibag, na inilagay ang mga tauhan sa floating status habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Hindi ibinunyag ni Matibag ang mga tauhan na sangkot sa sinasabing pangongotong at kung magkano ang sangkot na pera.
Itinago ng opisyal ang eksaktong bilang ng mga apektadong ahente at empleyado, ang pagkakakilanlan ng biktima, at ang partikular na halaga ng perang kasangkot.
Direktang umapela si Matibag sa sinasabing biktima na lumapit at makipagtulungan sa mga imbestigador.
“Ang pakiusap ko po sana doon sa biktima ay makipagtulungan po sa amin kasi mahirap po kaming mag-process ng mga imbestigasyon at mga reklamong ganyan kung wala pong pakikipagtulungan,” aniya.
Tiniyak ng hepe ng ahensiya na nakahanda ang kagawaran na magbigay ng ganap na proteksiyon sa biktima habang kinikilala na ang takot at trauma ay kadalasang kasama ng mga ganitong pagsubok.
Nananatili sa bureau ang mga tauhan ng NBI Tarlac ngunit walang aktibong assignment habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Matatagpuan ang opisina ng NBI sa Tarlac sa kahabaan ng Macabulos Drive, Brgy. San Roque, sa lungsod ng Tarlac, at gumaganap bilang isang yunit ng pagsisiyasat at isang sentro ng pagproseso ng clearance.
