NAGOYA, Japan — Walang kahirap-hirap na tinapos nina Alexandra “Alex” Eala at Shaira Hope Rivera ang kanilang unang laban sa women’s doubles, matapos talunin ang Hong Kong pair na sina Lai Ching Laam at Kallista Liu, 6-1, 6-3, sa 20th Asian Games nitong Martes.
Bagama’t unang pagkakataon nilang magsama bilang doubles pair sa isang major competition, agad nag-click ang laro nina Eala at Rivera at mabilis nilang nakontrol ang laban.
Matapos makuha ng Hong Kong ang unang game, tuluy-tuloy ang ratsada ng mga Pinay at kinuha ang anim na sunod na laro para dominahin ang unang set, 6-1.
Nanatili ang kanilang momentum sa second set at hindi na hinayaang makabalik ang kanilang mga katunggali hanggang tuluyang maisara ang laban sa 6-3.
Sa susunod na round, sasalang sina Eala at Rivera laban sa third-seeded Chinese tandem nina Jiang Xinyu at Yang Zhaoxuan. (POC Media Pool/HNT)
