NAGOYA, Japan — Muling pinatunayan ni Ernest John “EJ” Obiena na siya ang hari ng Asian pole vault matapos idepensa ang kanyang korona at masungkit ang gintong medalya sa 20th Asian Games nitong Martes, Setyembre 29, sa Nagoya City Mizuho Park Athletic Stadium.
Hindi lamang gold medal ang naiuwi ng Filipino Olympic medalist kundi bagong Asian Games record matapos lampasan ang 5.91 metro sa kanyang huling pagtatangka.
Nilampasan ni Obiena ang 5.75m upang tuluyang maselyuhan ang gintong medalya matapos mabigo ang pinakamalapit niyang mga katunggali na sina China’s Li Chenyang at Yao Jie na makahabol sa mas mataas na taas.
Gayunman, hindi na tumigil ang pambato ng Pilipinas at itinaas pa ang bar sa 5.91m, kung saan matagumpay niyang nalampasan ito sa kanyang huling pagtatangka sa gitna ng basang kondisyon ng paligsahan.
Nalampasan nito ang sarili niyang 5.90m Asian Games record na itinakda niya sa Hangzhou noong 2023.
Ang tagumpay ni Obiena ang nagsilbing ikatlong gintong medalya ng Pilipinas sa Aichi-Nagoya Games, kasunod ng dalawang gold medal ni gymnastics star Carlos Yulo sa floor exercise at vault.
Sa panalo, nanatili si Obiena bilang back-to-back Asian Games champion sa pole vault. (POC Media Pool/HNT)
