Mobile broadband monitoring, ‘di lang sa NCR — NTC

NTC mobile networks Feat

INILINAW ng National Telecommunications Commission (NTC) na regular nitong isinasagawa sa buong bansa ang mobile broadband speed validation sa pamamagitan ng mga regional office nito.

Sa bagong pahayag, sinabi ng NTC na hindi limitado sa National Capital Region (NCR) ang enforcement action laban sa mobile network operators (MNOs). Kada quarter, ipinaaalam ng Komisyon sa mga operator ang mga barangay na napatunayang walang signal o mahinang signal, at inaatasan magsagawa ng kinakailangang network improvements.

Tinatapos na rin ng NTC ang buong resulta ng September 2026 revalidation at maglalabas ng Show Cause Orders (SCOs) at daily penalties sa mga lungsod at munisipalidad sa NCR at iba pang rehiyon na may mataas na bilang ng mga lugar na walang signal o mahina ang signal.

Sa ilalim ng NTC Memorandum Circular No. 001-01-2026, kailangan sumunod ang mga kompanyang saklaw ng regulasyon, kabilang ang mga mobile network operator, sa itinakdang quality-of-service standards.

Sinabi ng NTC, layunin ng mga nasabing hakbang na matiyak ang maaasahan, mas mabilis, at agarang tumutugon na telecommunications services para sa mga Filipino, alinsunod sa mandato ng Public Service Act.

Nauna rito, naglabas noong nakaraang linggo ang NTC ng SCOs laban sa Dito Telecommunity Corporation (DITO), Globe Telecom, Inc. (Globe), at Smart Communications, Inc. (Smart), at nagpataw ng P100,000 daily penalty dahil sa mahinang mobile broadband service sa ilang bahagi ng NCR.

Batay sa September 2026 mobile speed test revalidation, ibinunyag ng NTC na walang measurable improvement sa serbisyo ng tatlong telco, habang halos hindi nagbago ang mga naitalang lugar na walang signal o mahinang signal kompara sa mga validation noong first at second quarter.

Kabilang sa mga lugar na may concern ang Manila, Makati, at Quezon City para sa Globe; San Juan, Pasay, at Las Piñas para sa Dito; at Parañaque, Manila, at Pasig para sa Smart. (ALMAR DANGUILAN)