Eala, sasalang sa no. 510 Thai sa Asiad

Alex Eala Asian Games

NAGOYA — Sisimulan ni top-seeded Filipina tennis star Alexandra “Alex” Eala ang kanyang kampanya sa women’s singles ng 20th Asian Games kontra Thailand’s Patcharin Cheapchandej ngayong Lunes sa Nagoya City Higashiyama Park Tennis Center.

Matapos ang first-round bye, haharapin ng world No. 18 Eala ang world No. 510 na si Cheapchandej sa Round of 16. Wala pang itinakdang oras para sa kanilang laban.

May panalo na si Eala laban sa 31-anyos na Thai matapos niyang pabagsakin ito, 6-3, 6-4, sa 2022 ITF Thailand 05A.

Umakyat naman sa Round of 16 si Cheapchandej matapos walisin si Mahin Aftab Qureshi ng Pakistan, 6-1, 6-1.

Bagama’t top seed, nananatiling maingat si Eala matapos ang kanyang second-round exit sa 2026 Singapore Tennis Open, kung saan natalo siya kay Tatiana Prozorova ng Russia, 6-4, 5-7, 3-6.

“Sa tingin ko, may malaking pagkakataon ako tulad ng iba pang nasa draw. Kapag nasa draw ka, may pagkakataon ka, kaya gagawin ko ang aking makakaya,” ani Eala.

Target ni Eala na dagdagan ang bronze medal na napanalunan niya sa 2023 Hangzhou Asian Games at makatulong sa kampanya ng Pilipinas na magdagdag ng ginto. Dalawa na ang gold medals ng bansa, kapwa mula kay gymnastics star Carlos Yulo.

Bukod sa singles, sasabak din si Eala sa women’s doubles kasama si Shaira Hope Rivera. Makakaharap nila sa unang round sina Lai Ching Laam at Kallista Liu ng Hong Kong.

Samantala, maagang nagtapos ang singles campaign ni 19-anyos Tennielle Madis matapos siyang walisin ng seventh seed na si Himeno Sakatsume ng Japan, 6-1, 6-0.

Sa doubles, makakapareha ni Madis si Stefi Marithe Aludo at haharapin ang Indonesian tandem nina Anjali Kirana Junarto at Meydiana Laviola Reinnamah. (POC Media Pool/HNT)