NAKALIGTAS sa tiyak na kamatayan ang isang babae habang nasa loob ng sasakyan kahit pinagbabaril ng dalawang hindi kilalang lalaking magkaangkas sa isang motorsiklo sa tabi ng Oriental Place, Barangay Pio Del Pilar, Makati City kahapon Huwebes, 24 Setyembre.
Kinilala ang biktima na isang Ruby Jeanne Hernandez Carlos, 35 anyos, residente sa Aguinaldo, AFPOVHAI, Taguig City.
Ang dalawang suspek ay iniulat na nakasuot ng damit na Move It, nakasakay sa pulang motorsiklong walang plaka.
Batay sa ulat ng pulisya, ang insidente ay naganap dakong 6:50 ng umaga sa Chino Roces Avenue, sa harap ng Unibank at BDO na nasa tabi ng Oriental Place.
Sa inisyal na imbestigasyon, nagmamaneho ang biktima ng kulay puting SUV Nissan Tierra, may plakang CCB 2298 sa Chino Roces Avenue nang biglang sumulpot ang dalawang suspek sa gilid ng sasakyan ni Carlos.
Ilang saksi ang nakarinig ng sunod-sunod na putok ng baril mula sa kinaroroonan ng biktima at nakita rin ang dalawang lalaki na magkaangkas sa motorsiklo na mabilis na tumakas matapos ang pamamaril.
Tinamaan ang biktima ng mga bala ng baril sa binti at hita kaya mabilis na dinala ng nagrespondeng rescue ambulance sa Makati Medical Center para sa agarang paglalapat ng lunas.
Nabatid na ang biktima ay security manager sa isang condominium sa Taguig City.
Inaalam ng pulisya kung may kaugnayan sa trabaho ang motibo ng pamamaril sa biktima. (NIÑO ACLAN)
