Van nahulog sa bangin driver patay, 3 sugatan

Dead Road Accident

PATAY ang isang 62-anyos driver habang sugatan ang tatlo nitong pasahero nang mahulog sa bangin ang minamanehong van sa kahabaan ng highway ng Barangay Abiang, Atok, Benguet nitong Miyerkoles.

Sa ulat ng Benguet Provincial Police Office (PPO), nangyari ang insidente dakong 11:10 ng umaga sa KM 38, Barangay Abiang ng bayang ito.

Sa imbestigasyon, nabatid na nahulog ang kulay puting van na patungo sa La Trinidad, ang kapitolyo ng Benguet, ngunit nalubak ang sasakyan hanggang napunta sa tabi ng matarik na highway.

Hindi natantiya ng driver ang kurbadang daan kaya nabangga ang bakal na barandilya sa kanang bahagi ng highway bago bumulusok sa tinatayang nasa 10 metrong bangin sa gilid ng highway.

Sumaklolo ang rescue team na mabilis na isinugod sa pagamutan ang mga biktima, pero idineklarang dead-on-arrival ang senior citizen na driver ng van.

Kabilang sa mga nasugatan ang isang 40-anyos negosyanteng babae, isang 22-anyos lalaki, at isang menor de edad; pawang nilalapatan na ng lunas sa Atok District Hospital.