ni MICKA BAUTISTA
HINDI sukat akalain ng isang motorista na ang bag niyang naglalaman ng malaking halaga ng pera na nahulog sa North Luzon Expressway (NLEX) ay maibabalik pa sa kanya.
Ayon sa ulat, nahulog ang bag na naglalaman ng ₱350,000 cash mula sa motorista habang kumukuha ng ticket sa isang toll gate sa NLEX.
Napulot ito ng kasunod na motorista na kinilalang si Ahmad, na agad nagtangkang habulin ang may-ari ngunit hindi na niya ito naabutan.
Sa koordinasyon ng Sta. Maria Municipal Police Station at Bocaue Municipal Police Station, matagumpay na natukoy at naibalik sa may-ari ang bag kasama ang kabuuang ₱350,000.
Matapos makuha ang nahulog na bag ay nagpasalamat ang may-ari kay Ahmad dahil sa kanyang katapatan at kabutihang-loob.
Pinuri ng pulisya si Ahmad sa kanyang ginawa at hiniling na sana ay dumami pa ang mga taong handang magsauli ng mga napupulot na mahahalagang gamit.
Kasabay nito, pinaalalahanan nina PLtCol. Mark Louie Sigua, hepe ng Santa Maria MPS, at PLtCol. Gilbert Diaz, hepe ng Bocaue MPS, ang mga motorista na mas maging maingat sa kanilang mga gamit, lalo kung may malaking halaga o mahahalagang dokumentong laman.
