P2.6-M kemikal gamit sa illegal mining nasamsam

PNP CIDG

NAKOMPISKA ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang tinatayang P2.6 milyong halaga ng mga kagamitan at kemikal na sinabing ginagamit sa iligal na small-scale mining operation sa Brgy. Bulo, Buenavista, Quezon noong 22 Setyembre.

Batay sa report na tinanggap ni CIDG chief PMGen. Robert Alexande Morico II, isinagawa ng CIDG-Quezon Provincial Field Unit, katuwang ang Provincial Mining Regulatory Board, PNP units, Philippine Army, at mga lokal na opisyal, ang pagsisilbi ng search warrant dahil sa paglabag sa Republic Act No. 7076 o People’s Small-Scale Mining Act of 1991, kaugnay ng Executive Order No. 79.

Kabilang sa mga nakompiska ang mga sako ng mine tailings at apog, lalagyan ng nitric acid, compressors, dynamos, submersible pumps, generator set, ball mills, isang lalagyan ng hinihinalang sodium cyanide, at mga silver compound na ginagamit sa pagproseso ng ginto.

Tinatayang nasa P2,608,900 ang kabuuang halaga ng mga nakompiska.