SIMULA kahapon, nadaraanan nang muli ang temporary Bailey Bridge sa Tarlac City.
Pansamantala itong magiging tawiran ng mga residente at motorista matapos gumuho ang Agana Bridge sa naturang lungsod, may tatlong linggo na ang nakalilipas, kasunod nang malakas na pag-ulang dala ng Habagat.
Nabatid na ipinag-utos ni DPWH Secretary Vince Dizon ang 24/7 construction works ng tulay upang mapabilis ang pagbubukas nito, alinsunod na rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., na tiyaking maibabalik agad ang koneksiyon at access sa probinsiya ng Tarlac at iba pang kalapit na bayan.
Mahigpit na ipinaalala ni Dizon sa publiko na sundin ang itinakdang load limit at stop-and-go traffic scheme sa naturang temporary bridge upang matiyak ang ligtas at maayos na pagdaan ng publiko.
Naglabas ang DPWH ng listahan ng mga sasakyang puwedeng dumaan sa nasabing tulay.
Mahigpit na bilin ng DPWH, passable lamang muna sa mga light vehicles ang temporary bridge at itinakda ang 10 tons na maximum vehicle load limit at 20 kilometer per hour na maximum speed limit, na kinabibilangan ng sedan o hatchback, crossover o sports utility vehicle, pick-up truck, standard passenger van, jeepney, lightweight truck, coaster, motorcycle, e-bike, at tricycle.
