MWP sa Marilao sinilbihan ng warrant of arrest sa kulungan sa Zambales

Warrant of Arrest

ISANG most wanted person (MWP) na nasa custodial facility ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Zambales Provincial Field Unit sa Zambales ang matagumpay na nasilbihan ng dalawang Bench Warrant of Arrest, kamakalawa ng gabi.

Sa ulat ni PLt. Colonel Edwin M. Lacostales, hepe ng Marilao MPS, isinagawa ng tracker team ng Marilao MPS, bilang lead unit, katuwang ang CIDG Zambales PFU, ang operasyon laban sa 38-anyos construction worker minsan ay food delivery rider na gumagamit ng mga alyas na Domeng at Edizhon, residente sa Pandi, Bulacan.

Isinilbi sa akusado ang Bench Warrant of Arrest sa paglabag sa RA 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at Frustrated Murder, na inisyu ng Regional Trial Court, National Capital Judicial Region, Branch 3 at Branch 19, kapwa sa Maynila, noong 25 Enero at 8 Pebrero 2021, ayon sa pagkakasunod.

Ang akusado ay kasalukuyang nasa kustodiya ng CIDG Zambales PFU habang inihahanda ang mga kinakailangang dokumento para sa kanyang kaukulang disposisyon at turnover sa korte na nag-isyu ng warrant of arrest. (MICKA BAUTISTA)