DILG cyber security

MAY HAWAK nang intelligence reports ang Department of the Interior and Local Government (DILG) kaugnay ng isang Pinoy na sinabing recruiter sa Dark Web na nang-eengganyo sa mga kabataan na gumawa ng karahasan, kabilang ang pamamaril sa mga paaralan.

Sinabi ni DILG Secretary Jonvic Remulla, minamanmanan ng mga awtoridad ang naturang recruiter matapos matukoy ang lokasyon nito.

Aniya, gamit nito ang social media, direct messages, at mga chat group sa online games upang makalapit sa mga kabataan.

Ani Remulla, sa pamamagitan ng online conversations ay nahikayat ang isang estudyante na gumawa ng karahasan matapos samantalahin ang kaniyang insecurities.

Iniugnay rin ng kalihim ang insidente sa exposure ng estudyante sa deep at dark web.

Dahil dito, mahigpit na minamanmanan ng pamahalaan ang mga online threat na maaaring may kaugnayan sa school shootings.

Nauna nang hinimok ni Remulla ang mga magulang na bantayang mabuti ang online activities ng kanilang mga anak.