NAGOYA — Hindi man nasungkit ng Alas Pilipinas Women ang inaasam na medalya sa Aichi-Nagoya 20th Asian Games, hindi natapos sa ika-9 na puwesto ang kanilang laban.
Sa halip, baon ng koponan ang mahahalagang aral at mas malinaw na determinasyong bumalik at mas mataas ang abutin.
Matapos maputol ang kanilang pag-asang makapasok sa quarterfinals, nagtakda si head coach Taka Minowa ng bagong misyon—walisin ang tatlong classification games at tapusin ang kampanya sa pinakamataas na posibleng puwesto.
Tinupad ito ng Alas nang talunin ang Qatar, 25-8, 25-2, 25-9; Mongolia, 25-13, 25-11, 25-20; at Hong Kong, 25-21, 25-9, 30-28, nitong Martes ng gabi para tapusin ang torneo sa ika-9 na puwesto.
Gayunman, hindi nabura ng tatlong sunod na panalo ang katotohanang mas mataas ang target ng Alas.
Dumapa ang Pilipinas sa kamay ng China, 18-25, 22-25, 8-25, bago tuluyang bumagsak kontra Kazakhstan, 29-27, 24-26, 25-23, 25-19.
Lalong ipinakita ng laban kontra Kazakhstan ang dalawang mukha ng Alas—may tapang at sapat na lakas para makipagsabayan sa mas matatag na kalaban, ngunit kinapos sa consistency para tuluyang makuha ang panalo.
Para kay Angel Canino, mahalaga pa rin ang tatlong panalo kahit hindi iyon ang orihinal na pakay ng koponan.
“Happy kami. Hindi man iyon ang overall goal namin, masaya kami sa lahat ng wins namin, sa mga nagawa namin bilang isang team at sa learning experience,” ani Canino.
Unang Asian Games din ito ni Canino, na itinuring na malaking karangalan ang makasama ang mga beteranang dati lamang niyang hinahangaan.
“Grabeng achievement ito individually. Amazing experience na makasama ko ang mga ate ko at ang Philippine national team. Yung iba sa kanila, ini-idolize ko rin,” aniya.
Samantala, aminado si Bella Belen na malaki ang ipinakita ng torneo sa mga bagay na kailangan pang pagbutihin ng Alas.
“Iba talaga yung laruan. Ang dami naming napulot, lalo na kaming mga bata. Alam namin na marami pa kaming dapat itaas—kailangan pa naming itaas ang level ng playing namin,” pahayag ni Belen.
Hindi lamang pagkatalo ang nakita ni Minowa kundi maging ang pag-unlad ng kanyang mga manlalaro matapos makaharap ang mga malalakas na koponan sa Asya.
“We became a better team,” dagdag ni Belen, na umaasang maisasalin ng Alas sa aktuwal na progreso ang lahat ng kanilang natutunan.
At malinaw na ngayon ang susunod na misyon.
Hindi kuntento ang Alas sa ika-9 na puwesto.
Limang taon ang foresight ni Canino bilang susunod na malaking pagkakataon, pareho ang mensahe nila ni Belen—babalik ang Alas at mas mataas ang kanilang target.
Nagtapos man sa pang siyam ang kampanya sa Nagoya, mas malinaw na ngayon sa Alas kung ano ang kailangan nilang gawin para makalapit sa kanilang pangarap na medalya.
Hindi ito katapusan. Babalik ang Alas. (POC Media Pool/HNT)
