ISA ang patay at dalawa ang naiulat na sugatan sa insidente ng banggaan ng dalawang motorsiklo sa Gen. Alejo Santos Highway, Brgy. Tanawan, sa bayan ng Bustos, lalawigan ng Bulacan, nitong Lunes, 21 Setyembre.
Batay sa ulat na nakarating kay P/BGen. Jess Mendez, Regional Director ng PRO3, kinilala ang namatay na si alyas Flores, residente sa Brgy. Galas, San Rafael; at mga sugatan sina alyas Cardenas, angkas ni alyas Flores, residente sa Brgy. Bonga Mayor, Bustos; at alyas Dollesin, residente sa Brgy. Tanawan, Bustos.
Sa paunang imbestigasyon, nabatid na dakong 7:30 ng gabi kamakalawa, sakay sina alyas Flores at alyas Cardenas ng isang itim na Motoposh Bida 110 na may plakang W5115Y, patungo sa kabayanan ng Bustos nang biglang makabangga ang kasalubong na itim na Yamaha Mio Sporty, may plakang 8406 XP, minamaneho ni alyas Dollesin.
Ayon kay P/Capt. Heherson Zambale, acting police chief ng Bustos MPS, agad isinugod ng mga rescuer si alyas Flores sa Bulacan Medical Center sa lungsod ng Malolos kung saan siya kalaunan binawian ng buhay, habang dinala sina alyas Cardenas at alyas Dollesin sa Baliwag District Hospital para mabigyan ng kaukulang atensiyong medikal.
Kalaunan ay dinala si alyas Dollesin sa Bustos Custodial Facility matapos ipahayag ng mga kamag-anak ni alyas Flores ang kanilang intensiyong magsampa ng reklamo laban sa kaniya. (MICKA BAUTISTA)
