NASAKOTE ng pinagsanib na puwersa ng mga awtoridad ang isang miyembro ng kilabot na Salaguinto criminal gang sa Brgy. San Roque, sa lungsod ng Tarlac, nitong Lunes ng tanghali, 21 Setyembre.
Inaresto ang 44-anyos suspek na miyembro ng notoryus na Salaguinto criminal gang sa bisa ng warrant of arrest para sa mga kasong Robbery, Qualified Robbery with Unnecessary Violence na may kaparusahan sa ilalim ng Article 294(4), kaugnay ng Articles 295 and 296 ng Revised Penal Code, na inisyu ni Presiding Judge Francis William M. Espinola, ng Camiling, Tarlac RTC Branch 112, may petsang Agosto 5, 2026.
Isinagawa ang operasyon ng Tracker Team ng 1st PMFC Tarlac PPO, sa pangunguna ni P/Lt. Col. Julius Caesar Noveno, Force Commander, katuwang ang Tarlac CPS, 304th MC RMFB3, Intel Section ng RMFB3, 1st at 2nd PMFC Zambales PPO, Police Station 3 ACPO, at RIU3 PIT-Tarlac.
Ipinaalam sa akusado ang kaniyang mga karapatang konstitusyonal at kasalukuyang nasa kustodiya ng 1st PMFC para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.
Pahayag ni P/Col. Harry R. Lorenzo III, provincial director ng Tarlac PPO, patuloy nilang paiigtingin ang kanilang intelligence-driven operations at koordinasyon sa iba’t ibang police units upang matiyak na ang mga pinaghahanap ng batas ay mahaharap sa kaukulang proseso ng hustisya. (MICKA BAUTISTA)
