Puganteng kargado ng patong-patong na kaso nasakote sa Bulacan

PNP CIDG

DINAKIP ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang isang lalaking wanted sa pitong magkakahiwalay na kaso sa Bulacan, Leyte, at Northern Samar.

Nadakip ang 38-anyos suspek sa Brgy. Batia, sa bayan ng Bocaue, lalawigan ng Bulacan sa isinagawang manhunt operation ng CIDG Zambales at Bulacan.

Nabatid na may pitong warrant of arrest laban sa suspek para sa mga kasong murder, frustrated murder, robbery with violence or intimidation of persons, dalawang bilang ng kasong frustrated homicide, attempted homicide, at acts of lasciviousness.

Sa mga kasong nabanggit, walang inirekomendang piyansa para sa murder.

Itinuturing rin ang suspek bilang No. 1 Provincial Most Wanted Person ng Bulacan, No. 6 Provincial Most Wanted Person ng Samar, at No.  10 Municipal Most Wanted Person ng Catarman, Northern Samar.

Ayon sa CIDG, patuloy nilang tutugisin ang mga wanted person at pugante sa buong bansa upang maigawad ang hustisya sa mga biktima. (MICKA BAUTISTA)