Kaserang babae niratrat ng tandem dead on-the-spot

QCPD Quezon City

PATAY agad nang bumagsak sa motorsiklo ang isang 42-anyos landlady nang pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Quezon City kahapon ng umaga.

Idineklarang dead on-the-spot ang biktimang si alyas Cherry, 42 anyos, may live-in partner, isang landlady, residente sa Central Avenue, Barangay Culiat, Quezon City.

Sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon­ City Police District (CIDU-QCPD), dakong 8:40 ng umaga kahapon nang mangyari ang pamamaril sa Alley 6, Brgy. Project 6, sa nabanggit na lungsod.

Sa imbestigasyon nina PMSg. George Caculba at PCpl. Benito Catungal, nakasakay ang biktima sa motorsiklong Yamaha NMax kasunod ang magkaangkas na lalaki sa motorsiklo.

Nang madikitan ang motorsiklo ni Cherry, agad pinagbabaril ng isa sa mga suspek ang biktima na agad nitong ikinamatay.

Tumakas ang mga suspek na kapwa nakasuot ng black helmets, at nakasuot ng dark long-sleeves jacket sakay ng puting Yamaha MIO motorcycle patungo sa Road 3, dala ang armas na ginamit sa krimen.

Nakuha ng SOCO Team mula sa QCPD-FU, ang walong basyo ng bala, apat na deformed bullets, at isa pang live bullet sa pinangyarihan ng krimen.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa motibo ng pamamaril para sa posibleng pagkakakilanlan ng mga suspek.