SIMBAHAN, ENERGY GROUP NANAWAGAN SA PH GOV’T VS EPEKTO NG PAX SILICA
Alminaza: Malaking konsumo sa koryente, tubig, pasanin ng susunod na henerasyon

Anti-Pax Silica Alminaza
092325 Hataw Frontpage

ni TEDDY BRUL, Jr.

QUEZON CITY — Nanawagan ang Simbahang Katolika at mga energy advocate sa pamahalaan na tiyaking hindi isasakripisyo ang seguridad sa koryente, yamang tubig, at kapakanan ng mga komunidad sa pagsusulong ng mga bagong proyekto, kabilang ang kontrobersyal na Pax Silica industrial hub sa New Clark City, Tarlac.

Sa press briefing sa Obispado de Cubao nitong Martes, sinabi nina Bishop Gerry Alminaza, pangulo ng Caritas Philippines, at Gerry Arances, executive director ng Center for Energy, Ecology and Development (CEED), na kailangan isaalang-alang ang pangmatagalang epekto ng malakihang industrial at energy projects sa gitna ng mataas na singil sa koryente, mga pagkaantala sa suplay at lumalalang climate risks.

Batay sa pahayag ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA), maaaring mangailangan ang Pax Silica development ng hanggang 3 gigawatts (GW) ng koryente at 65 milyon hanggang 90 milyong litro ng tubig bawat araw kapag ganap na ang operasyon.

Para kay Alminaza, hindi lamang kasalukuyang suplay at demand ang dapat pagtuunan ng pansin kundi pati ang magiging epekto nito sa mga susunod na henerasyon.

“We are sacrificing our resources to the next generation,” sabi ng obispo, kaugnay ng malaking konsumo ng koryente at tubig na inaasahang kakailanganin ng proyekto.

Sinabi ni Alminaza na kailangang timbangin ang pangmatagalang epekto ng mga desisyon sa pagpapaunlad ng bansa, lalo na habang humaharap ang mga komunidad sa mataas na singil sa koryente, power disruptions, pagbaha at lumalaking epekto ng climate change.

Samantala, kinuwestiyon ni Arances ang patuloy na pagdepende ng bansa sa coal at gas kahit nakararanas na ng problema sa suplay ng koryente.

“We are facing a doomsday where the people will suffer more,” babala ni Arances.

Binanggit niya ang nararanasang umaabot sa apat na oras na rotating brownouts sa ilang bahagi ng Visayas, at iginiit na dapat isailalim sa malawak na public consultation ang malakihang mga proyektong maaaring magkaroon ng malaking epekto sa suplay ng enerhiya at likas-yaman.

“What more if the Pax Silica hub becomes fully operational?” tanong ni Arances, kaugnay ng inaasahang malaking pangangailangan nito sa koryente.

Kaugnay nito, tinuligsa rin ng CEED ang patuloy na pagpapalawak ng fossil-fuel capacity. Binanggit ni Arances ang plano para sa 5 GW bagong coal capacity at isang hiwalay na auction para sa gas, sa kabila ng mga naging problema sa operasyon ng coal at gas facilities.

Nanawagan ang mga advocate para sa energy transition na nakasentro sa abot-kayang koryente, renewable energy, pangangalaga sa kalikasan at kapakanan ng mga komunidad.

Ang usapin ng Pax Silica ay bahagi rin ng mas malawak na pangamba sa seguridad sa tubig, watershed at kabuhayan ng mga komunidad, kabilang ang mga katutubong maaapektohan ng malakihang development.

Inilunsad ang panawagan kasabay ng Season of Creation, na ginaganap mula 1 Setyembre hanggang 4 Oktubre ngayong taon. Tema nito ang “Living Water” batay sa Ezekiel 47, na nagbibigay-diin sa pagpapanumbalik ng kalikasan at pangangalaga sa buhay.

“Living water gives life. Our response must be to protect life—through the choices we make, the policies we demand, and the future we build together,” ani Alminaza.