ARESTADO ang isang lalaking nakaangkas sa motorsiklo matapos iwasan at takasan ang isang police checkpoint at makuhaan kalaunan ng hindi lisensiyadong baril at mga bala sa lungsod ng Las Piñas, nitong Lunes ng gabi, 21 Setyembre.
Kinilala ng Southern Police District ang suspek na si alyas Romel, 31 anyos, residente sa Brgy. CAA, sa nabanggit na lungsod.
Nabatid na nagsasagawa ng Oplan Sita ang pulisya dakong at 8:45 ng gabi kamakalawa kung saan pinahinto nila ang isang motorsiklong may sakay na dalawang tao sa kanto ng J. Tionquiao Ave., at Samuel St., sa Bgry. Manuyo Dos.
Sa ulat ng SPD, hindi tumigil ang rider nang parahin saka mabilis na pinaandar ang motor para tumakas, dahilan upang mahulog ang kaniyang angkas pati ang kalibre .38 rebolber na may lamang dalawang live .38-caliber rounds.
Bigong makapagpakita ang suspek ng legal na dokumento kaugnay ng pagmamay-ari niya sa baril kaya tuluyan siyang dinakip ng mga awtoridad.
Dinala ang suspek sa Las Piñas District Hospital para sa pagsusuring medikal, saka inilipat ang suspek sa Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS) kasama ang nakompiskang baril at bala para sa kaukulang disposisyon.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Motorcycle Crime Prevention Act at Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
