Walang Pinoy na nasaktan sa Houthi attacks sa Riyadh

Riyadh Saudi Arabia

TINIYAK ng Department of Migrant Workers (DMW) na walang Pinoy na nasaktan sa drone at ballistic missile attacks na inilunsad ng Houthi militants sa Riyadh, Saudi Arabia, noong Biyernes at Sabado.

Sa isang news release, segurado ang DMW na masusi nilang sinusubaybayan ang sitwasyon ng mga Pinoy sa Saudi Arabia upang matiyak ang kanilang kaligtasan.

Ipinaalam din ng ahensiya na handa ang embahada at konsulado na tulungan ang nangangailangang oversea Filipino workers (OFWs) na naroroon.

Una nang sinabi ni Houthi military spokesman Yahya Saree noong Sabado na isang grupo ang nagsagawa ng military operations at tinarget ang ilang sensitibong site sa Riyadh, gayundin ang Aramco facilities sa Yanbu, bilang ganti sa mga naunang pag-atake sa Sanaa, na kapital ng Yemen.

Pinayohan ng DMW ang mga Pinoy sa naturang bansa na manatiling vigilante at tumalima sa mga safety instructions at advisories na ipinalalabas ng Saudi authorities.

Ang mga OFW at kanilang pamilya na nangangailangan ng agarang tulong ay maaaring kumontak sa Migrant Workers Offices ng DMW sa Saudi Arabia o sa kanilang hotline na 1348 para sa mga nasa Metro Manila, 02 1348 sa nasa labas ng Metro Manila, at +632 1348 para sa mga nasa ibayong dagat.