Tanso sa Soft Tennis simula pa lang

Bien Zoleta Soft Tennis Asina Games

ZOLETA: LABAN, TEAM PILIPINAS!

HINIMOK ni Bien Zoleta ang mga kapwa atletang Pinoy na sulitin ang kanilang pagkakataon sa Asian Games matapos wakasan ng Philippine women’s soft tennis team ang matagal na paghihintay sa medalya.

Nasungkit ng Filipinas ang bronse matapos yumuko sa host Japan, 0-2, sa semifinals.

Ito ang kauna-unahang Asian Games medalya ng Pilipinas sa soft tennis, mahigit tatlong dekada matapos ipakilala ang isport sa continental meet.

“Pinaghirapan natin ito, at ito na ’yung magbubunga. Good luck, Team Philippines! Laban!” ani Zoleta.

“Mabuhay kayo! First-ever medal sa Asian Games. Pinanood ko talaga kayo. Kaya n’yo pang manalo. Focus lang tayo.”

“Sport ito na kaya nating i-develop. Malaking oportunidad ang Asian Games para ma-promote ito at makakuha pa ng maraming medalya.”

GILAS WOMEN, SABIK SA JAPAN!

Pasok na sa quarterfinals ang Gilas Pilipinas Women matapos durugin ang Hong Kong, 90-73, para sa malinis na 2-0 karta.

Nanguna si Stefanie Berberabe sa 21 puntos, habang kumana si Afril Bernardino ng 17 puntos at 11 rebounds.

Sunod na haharapin ng Gilas Women ang host Japan ngayong Martes.

Para kay coach BT Toews, pahinga at pagbawi ng lakas ang susi bago ang malaking laban.

“Kung mas sariwa kami, mas maganda ang depensa namin,” ani Toews.

YULO, HAHATAK SA ASIAN GAMES GOLD!

Muling sisikad si two-time Olympic champion Carlos Yulo sa Asian Games, tangan ang isang titulong kulang pa sa kanyang koleksiyon—ang Asian Games gold.

Sasabak si Yulo sa men’s all-around ngayong Lunes sa Rainbow Hall sa Nagoya laban sa mga world-class gymnast kabilang sina Olympic champions Oka Shinnosuke at Daiki Hashimoto ng Japan at Zhang Boheng ng China.

Kasunod nito, lalahok din siya sa floor exercise at vault.

May utang na laban si Yulo matapos ang kanyang ikaapat na puwesto sa vault at ikapitong puwesto sa floor sa 2018 Asian Games.

“I want to make up for this,” pahayag ni Yulo.

AGUSTIN, SUMIKLAB SA TEQBALL!

Bagama’t kapos sa medalya, ipinakita ng 14-anyos na si Prince Agustin ang tapang sa Asian Games teqball matapos umabot sa bronze medal match.

Tinalo siya ni SEA Games bronze medalist Friday Saw ng Myanmar, 12-7, 12-7.

Gayunman, pinahanga ni Agustin ang beteranong katunggali matapos makipagsabayan hanggang 7-7 sa second set.

“Masaya po na naipakita ang best ko dito sa Asian Games. Bunga po ’yan ng mahirap na training,” ani Agustin.

TOEWS, GILAS WOMEN WALANG ATRASAN!

Espesyal man para kay BT Toews ang muling pagbabalik sa Japan matapos manirahan doon nang 35 taon, walang puwang ang emosyon pagdating ng laban.

“Magfo-focus ako nang husto,” ani Toews.

Hawak ng Gilas Women ang 2-0 karta at tiket sa quarterfinals matapos ang panalo kontra Hong Kong.

Para naman kay Stefanie Berberabe, handa silang yakapin ang pagiging underdog.

“Walang masama sa pagiging underdog. Gustung-gusto ko ang challenge,” ani Berberabe.

BERNARDINO: GILAS, DAPAT MAGKAKAPIT-BISIG!

Nag-ambag si Afril Bernardino ng 17 puntos, 11 rebounds, anim na assists at dalawang steals sa panalo kontra Hong Kong.

Aminado siyang mabagal ang naging simula ng Gilas, ngunit bumawi ang buong koponan sa dulo.

“Kailangan lang naming magtiwala sa isa’t isa at maipatupad ang sistema ni Coach BT,” ani Bernardino.

Sa harap ng host Japan, buo ang kanyang kumpiyansa.

“Walang duda na kaya nating makipagsabayan at manalo,” ani Bernardino. (POC Media Team/HNT)