Tamaraws, nakaligtas sa Bulldogs; win streak umakyat sa 5

V-League 2026 Mens FEU vs NU

HINDI natinag ang Far Eastern University (FEU) sa matinding paghabol ng National University (NU) at nakaligtas sa limang set, 25-21, 25-22, 23-25, 25-22, 15-11, upang manatiling walang talo matapos ang limang laro sa 2026 V-League Collegiate Challenge nitong Linggo sa Gameville Central Park sa Mandaluyong City.

Bagama’t bahagyang nakasingit ang Bulldogs sa ikatlong set, agad bumawi ang Tamaraws at kontrolado ang laro sa ikaapat na yugto bago tuluyang isara ang laban sa deciding set.

Malaking bagay para sa FEU ang kanilang matatag na serve-receive na naging daan upang maging mas maayos ang kanilang opensa. Naging sandigan sa atake sina Dryx Saavedra at Kyle Tandoc, habang kinailangan ding pagtiisan ng Tamaraws ang pagsubok nina Peng Taguibolos at Buds Buddin na buhayin ang NU.

“Happy kami pero hindi pa contented kasi marami pa kaming kailangang ayusin. Kaya ensayo uli,” ani head coach Eddieson Orcullo.

Aniya, naging malaking dahilan din ng panalo ang determinasyon ng kanyang mga manlalaro na bumawi sa hamon ng NU.

Muling pinangunahan ni Saavedra ang FEU sa 22 puntos, mula sa 19 attacks at tatlong blocks, bukod sa apat na digs.

Hindi naman nagpahuli ang kanyang mga kakampi matapos mag-double figures sina Charles Absin (15), Amet Bituin (14), Mikko Espartero (12) at Doula Ndongala (11).

Nakatulong din sa panalo ang 46 excellent receptions ng FEU, kung saan nanguna si Espartero sa 17. Naghatid naman si Rhodson Du-ot ng 21 excellent sets.

Haharapin ng Tamaraws ang University of Santo Tomas (3-3) sa Sabado, Setyembre 26, alas-5 ng hapon, bago tapusin ang preliminary round kontra Colegio de San Juan de Letran (5-1) sa Linggo, Setyembre 27, sa parehong oras.

Samantala, nanguna para sa NU sina Leo Ordiales at Buds Buddin na may 23 at 17 puntos, ayon sa pagkakasunod, ngunit hindi nito napigilan ang Bulldogs na malaglag sa 3-3.

Mawawala naman sa NU ang mga Asian Games-bound spikers na sina Peng Taguibolos, Ordiales at Buddin sa mga susunod na laban ng koponan. (PVL/HNT)