AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
NOONG unang araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, nag-rule si Presiding Officer Francis “Chiz”Escudero na 16 votes ang conviction threshold, batay na rin sa literal na two-thirds ng 24-member Senate.
Ipinaliwanag ni Chiz kung bakit pinili niyang gumawa agad ng formal ruling sa isang isyung alam niyang maaaring kuwestiyonin.
Ayaw niyang matapos ang buong impeachment trial, magbotohan ang mga senador, at saka pa lamang kukuwestiyonin sa Supreme Court kung tama ba ang numero ng botong ginamit.
“Ang pinakaayaw kong makitang mangyari, pagkatapos nating pagbotohan… hindi pa rin iyon ang tuldok sa isyu ng impeachment,” sabi ni Chiz.
“Sana kung saka-sakali, anumang pasya ng Senado, maging pinal o magpapasyahan nang pinal ng Korte Suprema nang sa gayon, kapag ito’y pinagbotohan sa katapusan ng kasong ito, iyon na rin ang katapusan ng usaping ito,” bigay-diin niya.
Inilinaw ni Chiz na formal ruling ang kanyang 16-vote position at maaari itong gamitan ng anumang legal remedy na available sa mga partido. Sinabi rin niya noon na maaaring magkaroon ng justiciable controversy, bagamat Korte Suprema pa rin ang magpapasya kung maaari nitong dinggin ang usapin.
Sa madaling salita, kung may constitutional question, mas mabuting maresolba iyon bago dumating ang final vote.
Kaya naman naging importante ang pagdinig sa amici curiae o “friends of the court”, na nagbigay ng kani-kanilang kuro sa pag-usad ng impeachment trial.
Sinang-ayunan ni retired Chief Justice Artemio Panganiban si Chiz, at sinabing mathematically correct na two-thirds ng 24 ay 16. Ito aniya’y para maiwasan ang kalituhan sa bandang huli.
Nang tanungin ng Presiding Officer kung sakaling may decimal point sa pag-compute ng two-thirds kapag bumaba ang bilang ng mga senador na maaaring payagang bumoto, sinabi ni Panganiban na dapat sundin ng impeachment court ang mathematical rules sa pag-round off ng mga numero.
Nagbigay rin ng opinyon ang iba pang ex-Chief Justices.
At iyan mismo ang halaga ng debate ngayon pa lamang dahil nagkaroon ng proseso para maresolba ang isyu na ito.
Maaaring panindigan ng impeachment court ang initial ruling ni Escudero. Maaari rin itong baliktarin matapos marinig ang amici curiae at ang mga argumento ng prosecution at defense. Ang umiiral na 16-vote ruling ay nananatiling epektibo habang hindi ito nababago ng impeachment court.
Ang klaro ay gustong iwasan ni Chiz ang problema na kapag nagkaroon ng final verdict ay hindi naman pala pinal ito, dahil pagkatapos ng lahat ng testimonya, ebidensiya, at botohan, saka pa lamang magsisimula ang constitutional battle tungkol sa bilang ng boto.
Mas mabuting pagtalunan ngayon kaysa pagkatapos ng verdict.
Dahil anuman ang maging desisyon, 16 man o ibang bilang, ang pinakamahalaga ay alam na ng lahat ang rules bago dumating ang araw ng hatol.
At kapag dumating ang final vote, gaya ng sinabi ni Presiding Officer Chiz Escudero, iyon na rin ang maging tuldok sa usapin. (30)
