ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
MARAMI na ang nag-aabang sa pagbubukas ng Puregold CinePanalo Film Festival 2026 na magsisimula sa September 23 to October 4 sa Gateway Cineplex 18, TriNoma, Fairview Terraces, Feliz, Ayala Malls Circuit, Ayala Malls Manila Bay, at Market! Market!
Isa kami sa excited nang mapanood ang filmfest na ito na nasa third year na, kakaiba kasi ang vibe at nakabibilib pati filmmakers na estudyante. Nakasasawa na rin kasi ang mga pelikulang de kahon, kaya magsisismula na kaming manood nito this Wednesday.
Sa launching nito recently sa Quantum Skyview sa Gateway Mall 2, Araneta City, binigyang diin ng Festival Director ng Puregold CinePanalo Film Festival na si Chris Cahilig, ang idea kung paano ito nagsimula at ang ginawa nilang pagbabago ngayon.
Pahayag niya, “Magandang hapon sa inyong lahat, medyo may kaunting drama itong sasabihin ko. Tatlong taon na pala mula nang inilunsad namin ang Puregold CinePanalo Film Festival at kung babalikan ko ang simula, hindi ko rin talaga inakala na ang isang konseptong ganito ay buong pusong susuportahan ng isang grocery chain na minamahal nating mga Filipino.
“Nagsimula ang Puregold CinePanalo sa isang malikot na idea. Paano kung gumawa ng film festival ang isang grocery chain? Noong unang inilunsad namin ito, marami ang hindi naniwala, marami ang nagduda, marami ang nagtanong kung seryoso ba talaga kami.
“Pero sumugal ang Puregold, sumugal sila sa isang festival na noon ay idea pa lamang dahil naniwala sila sa kakayahan at husay ng Filipino filmmakers. Naniwala sila na kapag binigyan natin ng pagkakataon ang mga kuwentong Filipino, kaya nilang makipagsabayan, kaya nilang tumawid sa mga hangganan at kaya nilang marating ang mga lugar na hindi natin inaakalang mararating.
“At ngayon, tatlong taon na ang lumipas, tingnan n’yo kung nasaan na tayo. Ang mga pelikulang nagsimula rito ay humakot ng mga parangal, nakarating sa iba’t ibang bansa at nagdala ng mga kuwentong Filipino sa mga manonood sa labas ng Filipinas.
“Kinilala rin ang ating mga pelikula sa iba’t ibang award-giving bodies. Ang dating malikot na idea, ngayon ay mga pelikulang naglalakbay na sa mundo. Sa unang dalawang taon, pinili naming magkaroon ng isang malinaw na tema, mga kuwentong panalo ng buhay. Nais naming makalikha ng mga pelikulang nagbibigay-inspirasyon.
“Pero ngayong taon, may binago kami. Tinanggal namin ang tema, hindi dahil wala kaming gustong sabihin, kundi dahil gusto naming makinig. Hinayaan naming malaya ang ating mga filmmaker na magkuwento kung ano ang gusto nilang sabihin, kung ano ang gusto nilang ipakita, at kung ano ang tingin nilang kailangan marinig at makita ng ating mga manonood at napakaganda ng naging resulta.
“Mayroon tayong 19 student short films na may kanya-kanyang tinig, pananaw, at paraan ng pagtingin sa buhay at pagiging Filipino. Mayroon tayong pitong full-length films, full-length films na tunay na kuha ng panlasa ng ating mga manonood. Pitong pelikulang maipagmamalaki natin bilang Filipino sa kalidad ng paggawa, sa husay ng pagkukuwento, at higit sa lahat, sa kakayahan nitong hulihin at isalarawan kung sino tayo.
“Iba’t ibang pananaw, iba’t ibang tinig, iba’t ibang misyon. Pero sa loob ng sinehan nagsasama-sama ang lahat sa iisang malaking kuwento, ang kuwento natin bilang mga Filipino. Para sa akin, iyon ang tunay na ganda ng Puregold CinePanalo.
“Bilang Festival Director, punong-puno ako ng kasiyahan dahil nakikita kong unti-unti nating natutupad ang mga pangarap na minsan ay isang malikot na idea lang. Pero alam kong nagsisimula pa lamang tayo.
“Marami pang maaaring marating ang Puregold CinePanalo, marami pang mga kuwento ang kailangang hanapin, marami pang tinig ang kailangang marinig, marami pang filmmaker ang kailangang bigyan ng pagkakataon, at marami pang pelikulang Filipino ang nararapat mapanood, dito man sa ating bansa o sa ibang sulok ng mundo. Dahil habang may Filipino at may kuwentong gustong sabihin, dapat ay may espasyong handang makinig, at habang may filmmaker na nangangahas mangarap, dapat na maghanda, maniwala at iyon ang nais naming maging papel ng sining ng Puregold Cine Panalo, kaya nais naming magpasalamat sa lahat ng naging bahagi nito.”
Nangunguna sa listahan ng pinasalamatan ni Direk Chris ay ang President ng Puregold na si Mr. Vincent Co, Ms. Ivy Piedad, ang mga hurado at selection committee, at marami pang iba.
Ito naman ang pahayag ni Ms. Ivy-Hayagan Piedad, festival chair ng Puregold CinePanalo, “Every film in this year’s CinePanalo carries the passion of its creators. Giving these stories a platform where audiences can experience and celebrate them is our way of supporting Filipino artistry and contributing to the continued growth of Philippine cinema.”
Narito ang mga pelikulang kabilang sa Full-Length Category ng Puregold CinePanalo 2026:
Apol of My Ai, director: Thop Nazareno, starring: Zanjoe Marudo, Zion Cruz, at Rochelle Pangilinan;
Beast, director: Lawrence Fajardo, starring: John Arcilla;
Mono No Aware, director: BC Amparado, starring: Juan Karlos Labajo at Perry Dizon;
Multwoh (Patay Na Patay Sa’yo), director: Rodina Singh, starring: Sassa Gurl at Joao Constancia;
Patay Gutom, directors: Carl Papa at Ian Pangilinan, starring: Khalil Ramos, Ian Pangilinan, Agot Isidro, at Cris Villanueva;
Stuck on You, director: Mikko Baldosa, starring: Xyril Manabat at River Joseph;
at ang Wantawsan, director: Joseph Abello, starring: Joross Gamboa, Rita Daniela, at Zion Cruz.
Ang sponsors ng Puregold CinePanalo Film Festival 2026 ay ang Alaska, Angel, Argentina, Ariel, Bingo, Birch Tree Fortified, Bear Brand, C2, Century Tuna, Champion, Chuckie, Coca-Cola, Colgate, Cream Silk, Datu Puti, Downy, GoodNom Fresh, Great Taste, Del Monte, Jack ‘N Jill, Knorr, Lucky Mel, Maggi, Magnolia Real Mayonnaise, Milo, Monde, MY San, Nestea, Nissin, Nivea, Palmolive Naturals, Pantene, Purefoods, Rebisco, Royal, Safeguard, Sprite, Surf, Wilkins, at Zonrox.
