
ni Niño Aclan
PATAY ang isang 24-anyos law student at anak ng opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) nang mahulog mula sa ika-16 palapag ng Fort Victoria Building sa Bonifacio Global City (BGC), Taguig City.
Positibong kinilala ang biktima na si Nath Zimuel R. Alcantara, anak ni DPWH Negros Oriental 2nd District Engineer Noli Alcantara.
Ayon sa pulisya, naganap ang insidente noong 18 Setyembre dakong 7:30 ng umaga ngunit naiulat sa mga awtoridad dakong 9:10 ng umaga.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, dakong 7:30 ng umaga habang papaakyat ang security officer sa gusali mula sa lobby ay nakarinig siya ng malakas na lagabog na nakapukaw sa atensiyon ng mga tenant sa ibang palapag.
Dahil dito, agad tinungo ng building maintenance worker ang naturang lagabog at natagpuan ang isang duguang biktima na wala nang buhay sa ika-apat na palapag ng gusali.
Agad nagsagawa ng imbestigasyon ang Taguig City Police Station – Investigation and Detective Management Section at ang Southern Police District Forensic Unit upang iproseso ang pinangyarihan ng krimen.
Sa panayam, sinabi ni Taguig City Police chief, PCol. Julius Añonuevo, tinitingnan nila ang anggulo na nagpakamatay ang biktima ngunit patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon.
Naghahanap ng posibleng testigo at pagsusuri sa mga CCTV footage na maaaring nakunan ang krimen.
Isinailalim sa isang autopsy examination ang biktima upang makuha ang eksaktong dahilan ng kanyang pagkamatay.
Nanawagan din ang awtoridad sa publiko na habang patuloy silang nagsasagawa ng imbestigasyon ay maging maingat sa pagbibigay ng konklusyon lalo na ang pagpapaskil sa social media ng nasabing insidente
at pag-uugnay sa mga sangkot sa kontrobersiyal na flood control projects dahil sa kanilang apelyido.
Hinihintay ng mga awtoridad ang pinal na ulat mula sa Scene of the Crime Office (SOCO) para sa pagpapatuloy ng imbestigasyon kaugnay sa insidente.
Ayon sa pulisya, hiningi na nila sa security personnel ng gusali ang mga kuha ng CCTV at kanila itong inirerepaso habang sumasailalim sa awtopsiya ang katawan ni Alcantara.
Sa kaniyang Facebook profile, napag-alamang mula sa Lipa, Batangas si Alcantara, nagtapos mula sa De La Salle University noong 2024, at naging miyembro ng DLSU Golf Team.
