UMABOT sa 117 katao kabilang ang 80 pasahero ang nasagip sa sumadsad na pampasaherong barko malapit sa karagatan ng Barangay Udalo, Abra de Ilog, Occidental Mindoro nitong Huwebes ng madaling araw.
Sinabi ni Geoffrey Panganiban, hepe ng Abra de Ilog Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), pasado 12:30 ng madaling araw nang makatanggap sila ng distress call mula sa barkong MV Roro Master 5 hinggil sa insidente.
Ang nasabing barko ay may sakay na 117 katao na kinabibilangan ng 80 pasahero habang nasa 37 ang mga crew.
Sa mabilis na pagresponde, matagumpay na nasagip ng mga personnel ng MDRRMO, Philippine National Police at Philippine Coast Guard (PCG) kasama ang mga kinatawan ng Municipal Health Office at Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) upang saklolohan ang mga pasahero at crew ng barko.
Ayon sa PCG, sumadsad ang barko sa sahig ng karagatan nang hanggang 30 metro mula sa baybayin ng Barangay Udalo.
Mula sa Batangas Port at malapit na sa Abra de Ilog Port ang barko nang maganap ang insidente.
Natakot ang mga pasahero at nagkagulo habang iniisip ang katatapos na trahedya ng MV June Aster sa karagatan ng Coron, Palawan, na nag-iwan ng 77 kataong namatay.
Ayon sa isang pasahero, agad silang sinabihan na magsuot ng life jackets at maghanda para sa pagbabakwit.
“Ang lakas po ng kalabog nang sumadsad, dalawang beses po, may mga matanda po na nag-panic, kawawa din po ‘yung ibang pasahero lalo na may 2-linggong-gulang pa lamang,” anang isang pasahero.
Ilang pasahero ang nagbahagi ng kanilang mga video habang nagsusuot ng life jacket ang mga pasahero habang inililipat ang iba ng rescue team sa rubber life raft.
